Sat. Nov 23rd, 2024

MARAMI ang tumaas ang kilay at nagpahayag nang pagkabahala sa mensahe mula sa isang opisyal ng Presidential Communications Office hinggil sa isang 30-minutong programa na sinimulang isahimpapawid ng state-controlled People’s Television Network Inc. kahapon.

Ayon sa media advisory mula sa PCO:

“For info and not for quoting.

Malacañang Insider is a 30minute program that will be hosted by Malacañang Press Briefer, Daphne Oseña-Paez.

It will feature cabinet secretaries and heads of agencies, one-on-one interview set-up. MPC may watch the interview live at the briefing room but questions sent by the media will be asked by Daphne. You may interview the guest after the program, but it will be at their own discretion.

Malacañang Insider will be airing every 12pm on Mondays and Fridays and 11am every Wednesdays and Thursdays on PTV.

Thank you.”

Ginawang audience ng PCO sa kanilang bagong “gimik” ang mga mamamahayag na nakatalaga sa Malacanang, panonoorin sila habang nagpo-programa sa loob ng Press Briefing Room sa New Executive Bldg. pero hindi maaaring magtanong kundi magpadala lamang ng tanong sa program host.

Nasa diskresyon ng program host kung babasahin ang tanong na ipinadala ng reporter at dahil siya lang ang may control, walang follow-up question na magagawa ang reporter, hindi niya kasi hawak ang mikropono.

Sakaling ayaw magpa-interview ng opisyal na guest sa programa, walang magagawa ang mga reporter.

Hindi puwedeng itulad ito sa programa dati ng PTV-4 na Laging Handa na ang host ay binabasa lamang ang mga ipinadalang tanong ng mga reporter para sa guest public official, panahon iyon ng COVID-19 pandemic kaya via Zoom lang ang interview sa guest at ipinagbabawal ang pagpunta sa Press Briefing Room sa New Executive Building sa Malacanang.

Mukhang hindi masyadong pinag-isipan ang gimik na ito ng PCO lalo na sa panahong nahihilo na ang mga pangkaraniwang mamamayan sa napakataas na presyo ng bilihin, at katatapos lang ang kalamidad dulot ng panggagahasa sa kalikasan at kaban ng bayan ng sabwatan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at mga pinaborang negosyante.

Sa palagay ba ng PCO ay maiibsan ang paghihirap ni Juan dela Cruz sa pamamagitan ng programang “Malacanang Insider”?

Sangkatutak na ang mga opisyal ng pamahalaan na kinakain ng kanilang mga programa ang airtime ng PTV-4, pinupurga ng pamahalaan sa propaganda ang mga mamamayan pero ang kongkretong aksyon para maibsan ang kanilang paghihirap, nananatiling sa pangarap lamang.

“Through the Lens” ng mga dambuhalang negosyante ang ginagawang barometro ng administrasyong Marcos Jr. para itambol ang pag-unlad daw ng ekonomiya.

Pero sa lente ng ordinaryong mamamayan, nananatili ang kahirapan dahil interes pa rin ng mga oligarch sa  pamamagitan ng mga proyektong ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan ang naglubog sa atin sa baha noong bagyong Carina, laganap pa rin ang paglabag sa karapatang pantao, iwinawasiwas pa rin ang red-tagging at ang malupit na Anti-Terror Act laban sa mga kritiko ng gobyerno, naunsyami pa rin ang peace talks sa NDFP, hindi pa rin nakabubuhay ang sahod ng mga obrero, marami pa rin ang walang trabaho, binabarat ang umento sa sahod ng mga kawani sa gobyerno, walang pantustos ang mahihirap sa problema sa kalusugan, ginigipit at pinalalayas sa ancestral land ang mga katutubo at ginigiba ang bahay ng mga maralitang taga-lungsod.

Kung may sinseridad ang mga nakaupo sa Malacanang, dapat ay kagyat na tugunan ang mga batayan suliranin ng mga mamamayan.

Tama na ang bolahan.

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *