NAGKAROON na ng ideya ang mga residente ng Caloocan City sa ilang programa at proyektong planong iipatupad ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV kapag ipinagkatiwala sa kanya ang liderato ng lungsod sa 2025.
Inihayag ni Trillanes ang kanyang “patikim” sa paglalahad sa Team Trillanes – Caloocan Facebook page ngayong araw.
Ayon sa kanya, kaya nais niyang sumabak sa halalan bilang mayoralty bet ng partido Aksyon Demokratiko, unang-una ay dahil napag-iwanan na ang Caloocan, nais niyang ayusin ang lungsod mula sa kalunos-lunos na kalagayan bilang pinakamarami ang mahirap kahit mayaman at malaki ang sukat ng siyudad.
“Kaya gusto natin tumakbo kasi nais natin ayusin ang Caloocan kung ano dapat siya being one of the richest cities in the country. Dyan po sa Caloocan ang may pinakamaraming mahirap sa ngayon kaya nakakasikip po ng dibdib dahil ‘dyan tayo lumaki pero ganun nga ang nangyari,” paliwanag niya.
Tinuran niya ang mga pangunahing problema ng lungsod, una ang kahirapan, marami ang mahihirap kasi napabayaan sila.
Kulang aniya ng pabahay, trabaho, social services, at health care ang mga residente ng siyudad taliwas sa mga tinatamasa ng ibang lungsod na mga benepisyo kahit mas maliit ang sukat at kita.
Binanggit din ni Trillanes ang mataas na bayarin sa amilyar na dagdag pahirap sa mga taga-Caloocan.
Kahit may ipinatayo aniyang ospital sa lungsod, kulang naman ang pasilidad at mga espesyalistang doktor kaya kailangan pang magpunta ang mga tao sa ibang lugar para magpagamot.
Sinabi ni Trillanes na balak niyang magpatayo ng dialysis center sa South at North Caloocan upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng may sakit sa kidney at hindi na magtungo pa sa ibang siyudad.
“Status quo po tayo , walang ide-demolish na mga bahay hangga’t walang naipapatayong housing project na lilipatan,” wika ni Trillanes.
Kabilang rin sa target niyang bigyan ng solusyon ay ang matagal ng problema sa mabigat na daloy ng trapiko na dulot ng sirang traffic lights at mga baku-bakong daan.
“Kailangan ayusin ang mga kalye , ayusin ang obstacles, lagyan ng traffic light ang mga lugar na dapat lagyan,” saad niya.
Pagdating sa isyu ng basura, tiniyak ni Trillanes na aayusin ang maayos na iskedyul nang paghahakot nito upang mapanatili ang kalinisan ng mga pamayanan.
“Dapat may dumpster. Imbes na suput-supot na nilalagay sa kanto , may dumpster, doon sila ilalagay para habang hindi pa araw ng koleksyon, doon ilalagay ang basura.”
Habang ang senior citizens ay makatatanggap ng monthly medicine allowance dahil sa buong Metro Manila ang Caloocan lamang ang walang regular na ibinibigay sa kanila, pinapipila sila at limitado lamang ang binibigyan.
“Imbes na pipila sila buwan-buwan ay yung beep card na tinatawag , ipapasok na lang roon, doon na lang ilalagay yung kanilang monthly medicine allowance,” giit niya.
“Yung mga nakaupo ngayon, 12 years na sila ‘dyan. Kung meron silang pagbabago na nais para sa Caloocan, dapat nagawa na nila. Kung ngayon nga tatanungin nyo, wala na silang sasabihin kasi kaya naman daw nila ipanalo tuwing eleksyon , bakit pa sila gagawa ng programa? Pero kahit magsabi pa sila, 12 years na silang nakaupo dyan, tama na. Binigyan na kayo ng sapat na oras kung wala pa rin kayong nagawa by this time, ibig sabihin, wala talaga kayong planong gawin.”
Hangad ni Trillanes na tuldukan ang 12 taong pamamayagpag ng political dynasty ng mga Malapitan sa Caloocan sa kanyang unang paglahok sa lokal na halalan sa 2025.
Abangan!