TILA lalong sumakit ang ulo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa alok ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na puwedeng gamitin ng International Criminal Court (ICC) ang mga pagdinig ng quad-committee kaugnay sa mga illegal na aktibidad na may kinalaman sa Philippine offshore gaming operators (Pogos), illegal drug trade, at paglabag sa karapatang pantao.
Maaari aniyang ma-access ng publiko ang mga record, kabilang ang transcripts ng diskusyon ng mga mambabatas at resource persons.
Kung tutuusin, kahit hindi ito sinabi ni Barbers, matagal nang ginagawa ng ICC ang open source investigation.
Ibig sabihin, hindi talaga makaiiwas sa pagsisiyasat ng ICC sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Dela Rosa at iba pang kapwa nila suspect sa kasong crimes against humanity kahit hindi makipagtulungan ang gobyernong Marcos Jr.
Sa isang panayam noong Setyembre 2021, inihayag ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Karen Dumpit na kahit harangin ang pagpasok sa bansa ng ICC investigators, hindi naman kailangan ang pisikal na presensya nila dahil nagsasagawa naman ng open source investigations ang ICC.
“The ICC now does open source investigations that means there is also precedent using social media evidence in addition to like Zoom meetings in international criminal prosecution,” sabi ni Dumpit sa After the Fact sa ANC.
Inihalimbawa niya ang kaso ni Al Werfalli, isang Libyan military general, na akusado ng war crimes na isinailalim sa open source investigation at inisyuhan ng warrant of arrest ng ICC kahit hindi nakipagtulungan sa pagsisiyasat.
“Will take a look at one particular case in a warrant of arrest that was issued, I think in 2017, by the ICC, Al Werfalli case,” ani Dumpit.
Batay sa ulat, ginamit na ebidensya laban kay Werfalli ang mga ipinaskil na pitong video sa social media na nagpakita na pinatay niya o inutusang paslangin ang mga bilanggo sa Benghazi kaya naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang ICC.
Inaresto ng Libyan National Army si Werfalli matapos ilabas ng ICC ang warrant of arrest ngunit nakatakas siya at napatay sa ambush noong Marso 2021.
Paliwanag ni Dumpit, ipinatutupad na rin ang 2020 Berkeley Digital Protocol Investigation na ginawa ng Office of the High Commissioner for Human Rights.
Napakahalaga aniya na pinapayagan na ang paggamit ng digital evidence at mga ebidensya mula sa social media sa pag-iimbestiga sa human right violations.
“The important thing here is , it already allows the use of digital evidence and evidence from social media so that’s very important. And human rights investigations increasingly relying upon open source intelligence to identify documents, verify human rights atrocities,” giit niya.
Ibig sabihin, bumaligtad man o hindi ang mga heneral ng Philippine National Police (PNP) laban kina Duterte at Dela Rosa, balewala na dahil manood lang ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, pati na ang mga nakalipas na imbestigasyon hinggil sa madugong drug war, dagdag pa ang mga talumpating “Kill, kill, kill” ng dating pangulo, posibleng “boundary” na ang ICC sa ebidensya.
Maging si Atty. Ruben Carranza, isang senior expert mula sa New York-based International Center for Transitional Justice, ay kombinsido na ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa kagustuhang patayin ang mga sangkot sa illegal drugs ay maaaring maging ebidensya laban sa kanya ng ICC.
Ayon kay Carranza sa isang panayam noong Hunyo 2021, may “legal weight’ ang mga pahayag ng head of state sa international law kahit pa putol-putol ito.
Kailangan aniyang ikonsidera ang mga resulta o nangyari matapos maglabas ng mga pahayag ang Pangulo at kahit pa itanggi ito o ikonsiderang biro ng Malacanang, hindi mabubura ang katotohanan na sinabi ng Punong Ehekutibo ang mga pahayag.
“Incitement to crimes vs humanity is not a crime under Rome Statute, incitement that leads to killing is,” paliwanag ni Carranza.
Kahit tumambling pa si Dela Rosa ng ilang beses sa katuturo at paninisi kaya nakaamba sa kanya ang malamig na rehas, hindi niya kayang burahin ang mga lumabas sa bibig ni Duterte pati na ang mga video ng pagdinig sa Kamara at mga sinumpaang salaysay ng mga testigo.
Ang malaking tanong, kaya ba siyang isalba ng katoto niyang “Son of God” na nagtatago na sa batas?