LIBU-LIBONG katao ang pinaslang ng rehimeng Duterte sa loob ng anim na taon sa poder, kasama rito ang pampulitikang pamamaslang at malawakang pagpatay sa ipinatupad na gera kontra droga.
Isa sa naging matingkad na halimbawa ng masahol na record sa paglabag sa karapatang pantao ay ang pagpaslang kay Randall Echanis noong 10 Agosto 2020, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Si Echanis ay national deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isang long-time National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant at miyembro ng NDFP committee on socio-economic reforms at naging bahagi ng peace talks sa administraysong Duterte mula 2016 hanggang 2017.
Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ni Echanis, 72-anyos, sa inuupahang apartment sa Petronian St., Brgy. Nova proper, Quezon City, na tadtad ng saksak.
Naunang ini-report sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4 ang pagkamatay ng isang Manuel Santiago at sa follow-up report ay natuklasan na sina Echanis at isang Luis Tagapia ang mga biktima.
May kalabugan umanong narinig ang mga kapitbahay ni Echanis at nang silipin nila’y nakita ang limang lalaki na nagmamadaling umalis.
Naging kontrobersyal pa ang ginawang puwersahang pang-aagaw ng mga pulis mula sa PNP La Loma-QCPD sa bangkay ni Echanis mula sa isang punerarya sa Quezon Ave. para dalhin sa Pink Petal Funeral Homes in La Loma, Quezon City.
Ang mga labi ni Echanis ay may torture marks, tadtad ng saksak at tama ng bala,
Apat na taon na mula nangyari ang karumal-dumal na krimen, wala pa ring napapanagot at tila wala naman talagang balak ang gobyernong Marcos Jr. na makamit ng pamilya Echanis ang hustisya pati na ang libu-libo pang naulilang pamilya ng mga biktima ng berdugong rehimeng Duterte.
Sabi nga ng grupong Hustisya, “umiiwas din si Marcos Jr. na maungkat ang pananagutan ng kanyang sariling pamilya sa napakaraming paglabag sa karapatang pantao mula pa sa diktadura ng kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan.
“Sa ilalim ni Marcos Jr., patuloy ang mga krimen laban sa mamamayan tulad ng ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot at sapilitang pagkawala, iligal na pang-aaresto at pagkukulong, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, iligal na panghahalughog, pambobomba sa kanayunan at iba pa.”
Mas kursunada yata ni Marcos Jr. na makipagkiskisang siko sa mga kaalyado niyang malalaking negosyante kaysa singilin at mapanagot ang rehimeng Duterte.
Ipinauubaya na lamang niya sa Kongreso ang pag-iimbestiga sa mga atraso ng rehimeng Duterte sa taumbayan.
Ngunit paano makasisiguro ang publiko na kikilos siya sakaling irekomenda ng Kongreso na sampahan ng mga kasong kriminal si Duterte at kanyang mga alipores, gayundin kapag naglabas na ng arrest warrant ang mga hukuman sa bansa at ang International Criminal Court?
Para maniwala ang taumbayan, unahin niyang ipadakip ang mga puganteng kakampi ni Duterte na sina religious sect leader Apollo Quiboloy at dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag dahil alam ng mga awtoridad kung saan sila nagtatago.
Isang malaking hamon ‘yan sa kanyang liderato.