Fri. Nov 22nd, 2024

TILA nauubos na unti-unti ang mga suspect na maaaring maging testigo laban sa utak o mga utak sa pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Sa panayam kay National Capital Region Police Director Jose Nartatez Jr. ng GMA News , sinabi niya na nagpakamatay kahapon matapos i-hostage ang kanyang mag-ina si Jake Mendoza a.k.a. Orly, ang itinurong nagmaneho ng motorsiklo na angkas si convicted gunman Joel Escorial, nang tambangan si Percy noong 3 Oktubre 2022.

Ngunit  ayon sa balitang inilathala rin ng GMA News online, “ During the police raid, operatives fired shots at alias Orly, who locked himself in a room he was renting with his family.”

“Alias Orly then proceeded to the bathroom where he shot himself.”

Base naman sa website ng NCRPO, nagkaroon ng “prolonged negotiation process, involving local officials such as the barangay captain and family members.”

Sa haba marahil ng naturang negosasyon, maaaring nai-record ito ng pulisya o ng barangay dahil puwedeng magamit ang mga pahayag ni Mendoza sa kaso ni Percy.

Naganap ang insidente isang araw bago ang nakatakdang pagharap sa korte ni Christopher Bacoto, isa sa umano’y middlemen sa pagpatay kay Percy, na nagmatigas ngayong araw na tumestigo o pumasok sa isang plea bargain.

Si Bacoto ang inginuso ni Escorial na isa sa kumontak sa kanya para patayin si Percy at binigyan niya ng P70,000 bilang parte  sa ibinayad sa kanyang P550,000 matapos niyang itumba ang  broadcaster.

Sa paskil sa Facebook ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy,  sinabi niya na patuloy ang pagtanggi ni Bacoto na makipagtulungan sa kaso sa kabila ng mga ebidensya na maaaring magbigay daan sa guilty verdict.

Bukod sa kaso ni Percy, ani Roy, apat pang kaso ang kinakaharap ni Bacoto sa iba’t ibang korte sa buong Metro Manila.

Gayunpaman, binigyan si Bacoto ng hukuman ng dalawang linggo upang muling isaalang-alang ang kanyang desisyon.

Kung pagbabasehan ang pattern ng Percy Lapid murder case, isa-isang nawala sa mundo ang mga suspect na maaaring bumaligtad at tumestigo laban sa itinurong mastermind na si dating Bureau of Corrections (BuCoR) chief Gerald Bantag.

Una na si Jun Villamor, isang PDL na middleman din sa krimen, na “sinupot” hanggang mamatay ng mga kapwa niya bilanggo sa utos umano ni Ricardo Zulueta, deputy ni Bantag at akusado rin bilang isa sa mastermind.

Noong nakalipas na Mayo, napaulat na nasawi sanhi ng heart attack si Zulueta habang nagtatago sa Hermosa, Bataan.

Ngunit ayon sa isang impormante sa BJMP, hindi lang umano si Zulueta ang pinagkatiwalaan ni Bantag habang nasa BuCor.

Maliban kay  Zulueta, may trusted pa umanong opisyal si Bantag na dapat kausapin ng Department of Justice (DOJ) na kasama sa mga nakabalik sa BJMP matapos mawala sa BuCor ang kanyang patron.

Anang source, maaaring makapagbigay linaw o dagdag na impormasyon sa kaso si SJO2 Eric Pascua na umano’y nakatalaga na sa Region 1 ng BJMP.

Dalawang linggo ang ibinigay na palugit ng hukuman para makapag-isip-isip si Bacoto kung makikipagtulungan sa Percy Lapid murder case o panindigan ang kanyang pag-iwas na masangkot sa krimen.

Nasa kustodiya siya ng BJMP kung saan maraming tauhan ni Bantag ang nakabalik mula sa Bucor gaya ni Pascua.

Maaari kayang sapitin din ni Bacoto ang naging kapalaran nina Villamor, Zulueta at Mendoza na kahit hindi nakipagtulungan sa imbestigasyon ay nakipagkita ng maaga kay kamatayan?

Sadyang malupit ang “missing link” sa Percy Lapid murder case.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *