SA ipinangangalandakang “Bagong Pilipinas” ng administrasyong Marcos Jr, gutom at malnutrisyon ang mapapala ng maralitang Pinoy.
Batay sa datos ng NEDA na kapag higit sa ₱64 ang ginagastos ng isang tao sa kaniyang pang-araw-araw na pagkain ay hindi na ito “food-poor.”
Sa ginanap na briefing ng House Committee on Appropriations ngayong umaga, medyo tumaas ang presyon ng dugo ng mga nakarinig ng nakaiinsultong sagot ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Amanda Marie F. Nograles sa tanong ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro kung paano mapagkakasya ng isang Pinoy ang P64 budget para sa pagkain sa isang araw.
Walang kagatul-gatol na sagot ni Usec Amanda na sapat ang P64 : : (1) sardinas sa halagang ₱15-20, (2) pandesal sa halagang ₱2 kada piraso, (3) instant noodles sa halagang ₱7.75 kada pakete, at (4) kape sa halagang ₱4.10.
Sagot ni Teacher France sa kanya. “Malinaw na kulang at malayo sa reyalidad para sustentuhan ang pang-araw-araw na pagkain ng isang tao. Dapat magtulong-tulong tayo dito—consumer [products] man yan, agricultural products man yan—na mapababa talaga ang mga bilihin para maka-afford naman ‘yong ating mamamayan sa mga healthy food.”
Ang hamon tuloy ng netizens, hindi lang kay Usec Amanda kundi sa lahat ng opisyal ng administrasyong Marcos Jr, mamuhay sila sa halagang P64 kada araw at base sa mga pagkaing ipinagmamalaki nilang makabubuhay sa isang Pinoy.
Labis na nakagagalit kundi man nakaiinsulto ang pananaw ng pangkat ni Marcos Jr. hinggil sa nakabubuhay na budget ng Pinoy na nagluklok sa kanila sa poder.
Naging malinaw na ngayon na isa ito sa mga tatambad kapag hinawi ang pabalat ng Bagong Pilipinas, maliban pa sa mataas na presyo ng bilihin, demolisyon at militarisasyon sa mga pamayanan ng maralitang taga-lungsod, militarisasyon at pagpapalayas sa mga katutubo mula sa kanilang ancestral land para bigyan daan ang mga proyektong perwisyo sa kalikasan.
Humahaba ang listahan ng mga atraso ng administrasyong Marcos Jr. sa bayan sa mahigit dalawang taon pa lamang sa kapangyarihan.
Kinamuhian ng matitinong mamamayan ang impiyernong buhay na naranasan sa nakalipas na rehimen pero sa ginagawa ng gobyernong Marcos Jr, hindi malayong matulad o mahigitan pa ang masahol na record ng kanilang pinalitan.
May mahigit tatlong taon pang nalalabi kay Marcos Jr. sa Palasyo, kailangan tuldukan na niya ang mga pakulo at propaganda kung nais niyang matapos ang kanyang termino.