WALA palang tibay na maaasahan sa pangako ng tambalang Mayor Along Malapitan at Vice Mayor Karina Te ng Caloocan City Mayor kaya huwag ng magtaka kung nasa nakalulungkot na sitwasyon ang siyudad.
Sa kalatas ng Defend Camanava Human Rights Network, kahit may isinumite ng liham at nag-courtesy call na ang grupo ni women’s rights advocate at Makabayan Coalition senatorial bet Liza Maza para magamit sa kanilang aktibidad ang Libis covered court sa Brgy. 175, last minute ay ipinabatid sa kanila na hindi pala ubra dahil gagamitin daw ng alkalde sa pamamahagi ng food packs.
Ayon pa sa grupo ni Maza, sinubukan nilang ilipat ang kanilang pagtitipon sa Matarik Covered Court sa Brgy. 175 ngunit nakialam naman ang mga pulis Caloocan at hindi rin pinahintulutan na ganapin ang Pulong Maza sa nasabing lugar.
Ipinagkait ang covered court na itinayo gamit ang pera ng bayan at dapat ay pakinabangan ng mga mamamayan.
Batid lahat ng residente ng barangay kung gaano kadikit si Chairman Onie Matias kay Malapitan habang ang lokal na pulisya ng Caloocan, maliban sa direktang pinangangasiwaan ng alkalde, ay bantog bilang mga berdugo, lalo na sa kasagsagan ng pekeng gera kontra droga ni Duterte.
Konting balik-tanaw lang.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang kontrobersyal na kaso ng 17-anyos na si Kian delos Santos na walang awang pinatay ng mga pulis-Caloocan sa gasgas na katuwirang “nanlaban.”
Sino ang makakalimot sa naging taguri sa Caloocan ni Archbishop Virgilio Pablo David bilang “killing field” ng drug war ni Duterte sa rami ng itinumbang drug suspect sa siyudad na noo’y pinamumunuan ni ngayo’y Cong. Oscar “Oca” Malapitan, ang ama ng kasalukuyang alkalde.
Ang isinumiteng drug watch list ng mga opisyal ng barangay noon sa pulisya ay nagsilbing death list, isa-isa kasing itinumba ang mga nasa listahan.
“Barangay LGUs were given explicit instructions by the city government to cooperate with the PNP’s Tokhang operations. City councilors were discouraged from providing burial assistance and visiting the wake of Tokhang victims,” anang ulat na “ Tokhang in North Caloocan: Weaponizing Local Governance, Social Disarticulation, and Community Resistance” ni Raymond Palatino na inilathala ng Dahas Project.
Nag-ingay at kumilos ang mga taga-Caloocan, lalo na ang North Caloocan, ang mga funeral march ay naging kilos-protesta na kumalampag sa mga pintuan ng himpilan ng pulisya.
Nakipagtulungan ang mga residente ng lungsod sa Simbahan at sa mga progresibong grupo na matiyagang itinuro sa kanila ang mga batayang karapatan at mga batas na maaaring gamitin kontra sa walang habas na paglabag sa karapatang pantao na kanilang nararanasan.
Sa kolektibong aksyong ito ay nagising ang mga taga-Caloocan kaya’t pansamantalang natigil ang patayan, naapula ang negatibong mga balita tungkol sa lungsod.
Ngunit noong 2018 barangay elections, nakapagtataka na ilang personalidad na napaulat na sangkot sa illegal drugs ay naluklok bunsod ng suporta ng ilang taga-City Hall.
May isang barangay sa North Caloocan na ipinatupad ang OPLAN Tinta, isang uri ng vote-buying na nilalagyan ng tinta ang daliri ng isang botante para hindi na bumoto kapalit ng pera at pananakot.
Ginawa ito ng isang kandidatong barangay chairman na sabit sa illegal drugs, sa balwarte ng kanyang popular na kalaban.
Nanalo siya at hanggang ngayon ay nakaluklok sa puwesto.
Isa lang yan sa mahabang listahan ng mga ebidensya na ang pagsusumikap ng matitinong mamamayan sa kasagsagan ng Tokhang sa Caloocan ay tila nasayang.
Talamak ulit ang bentahan ng illegal drugs, kaliwa’t kanan ang krimen, lumobo ang bilang ng mahihirap, lumulubog sa baha ang ilang bahagi ng siyudad kapag malakas ang ulan, mataas ang bayarin sa amilyar, hatinggabi pa lang ay nakapila na ang mga maralitang pasyente sa 2 public hospital ng siyudad na walang sapat na gamot at pasilidad.
Ilan lamang ito sa mga nangyayari habang namamasyal sa iba’t ibang panig ng bansa at abroad ang pamilya Malapitan at kanilang mga alipores.
Nang mabunyag na ilang milyong piso ang ginasta ni Oca sa magarbo niyang birthday party sa isang five-star hotel, dinalas-dalas ng kanyang kampo ang pamumudmod ng ayuda sa mga barangay na tinayuan nila ng samu-saring grupo gaya ng Transformer, Commando, Alamat at iba pang parallel group ng Tao ang Una.
May puwang pa ba sa Malapitan political dynasty ang mga progresibong grupo na nag-ingay at nagligtas sa napakaraming buhay ng mga taga-Caloocan mula sa mga kamay ng berdugong rehimeng Duterte?
Ngayong wala na ang Tokhang, nagtatago na ang liderato ng Caloocan sa pundilyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para gibain ang mga lehitimong grupo na tunay na nagmamalasakit sa Caloocan.