MAHIGPIT ang hawak at iwinawasiwas ngayon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mapanganib na barahang red-tagging upang idiin ang mga progresibong kongresista na pinapanagot siya sa ipinatupad na madugong drug war.
Ang Makabayan bloc din kasi ang nagsiwalat noong nakaraang taon sa kuwestiyonableng paggasta ni Vice President Sara Duterte sa kanyang confidential and intelligence funds at unang naghain ng resolution sa Mababang Kapulungan na humihimok sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong Duterte drug war, na isa ang senador sa mga akusado.
Tanging ang may pasistang pag-iisip lamang ang ituturing ang mga kalaban ng korapsyon at human rights violations bilang kaaway ng estado o banta sa kapayapaan at seguridad.
Mapanganib ito lalo na’t ginagamit ni dela Rosa at mga gaya niyang mag-isip ang mga naunang non-sequiturs o walang saysay na konklusyon, tulad na kung pinupuna mo ang drug war, sinusuportahan mo ang ilegal na droga. Kung tutol ka sa mga paglabag sa karapatang pantao, sinusuportahan mo ang New People’s Army (NPA).
Tila sadyang binabalewala ni dela Rosa ang naging deklarasyon ng Korte Suprema noong Mayo 2024 na ang red-tagging o ang bara-barang pag-uugnay ng mga indibidwal sa armadong rebelyon ng mga komunista ay “banta sa buhay, kalayaan at seguridad.”
Ibinaba ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon matapos gawaran ng Writ of Amparo ang aktibistang si Siegfred Deduro, na inakusahang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ng militar.
Una nang inihayag ng Supreme Court na madalas kahinatnan ng red-tagging — na itinuturing na porma ng harassment at pananakot — sa surveillance, panggigipit at minsa’y pati kamatayan.
Sa katunayan, naging bisyo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na isulong ang kampanya ng red-tagging, hindi lang sa mga aktibista ng kaliwa kundi pati sa mga kritiko ng gobyerno.
Kaya ganoon na lang pag-alma ng human rights groups sa “kalakarang” ito ng NTF-ELCAC, delikado ito lalo na’t hindi na pinag-iiba ng gobyerno ang mga sibilyan sa mga armadong rebelde sa ilalim ng counter-insurgency campaign nito.
Sa inilathalang artikulo sa Pilipino Star noong 9 Mayo 2024, inilahad ang kahalagahan ng Writ of Amparo.
Ano ba ang Writ of Amparo?
Tumutukoy ang isang Writ of Amparo sa ibinibigay na remedyo ng korte sa sinumang nalalabag ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad dahil sa “unlawful act” ng gobyerno o pribadong indibidwal.
Ayon sa Korte Suprema, ang ginagawa ng red-tagging sa isang tao ay nagiging target siya ng vigilante, paramilitary groups o kahit mga ahente ng gobyerno. Dahil dito, madaling maintindihan kung bakit maaaring matakot para sa kanyang buhay ang mga nare-red tag.
Ilan sa mga proteksyong maaaring ibigay matapos maghain ng naturang petisyon ang sumusunod:
- temporary protection order
- inspection order
- production order
- witness protection order
Matatandaang inihayag ng human rights group na Karapatan na dumanas ng extrajudicial killings ang mga aktibista matapos silang ma-red-tag gaya nina Zara Alvarez, Jory Porquia, Bernardino Patigas Sr., Atty. Benjamin Ramos at maraming pang iba.
Kaya matagal nang nanawagan ang ilang United Nations special rapporteurs na itigil na ang red-tagging, maliban pa sa panawagang buwagin at ibasura ang NTF-ELCAC at Anti-Terror Law.
Kung pareho ang tono ni Bato sa NTF-ELCAC, pulis at miitar hinggil sa mga aktibistang lumalaban sa korapsyon at paglabag sa karapatang pantao, marami ang nagdududa sa sinseridad ng administrasyong Marcos Jr. sa pagpapanagot sa mga kasalanan sa bayan ng rehimeng Duterte.
Sabi nga nila, “Kayo na lang ang maglokohan, huwag nyo nang idamay ang taumbayan.”