Fri. Nov 22nd, 2024

Naglabas ng isang resolusyon ang Commission on Elections (COMELEC) En Banc kamakailan na nagbasura sa Petition for Registration ng Health Workers Partylist para sa simpleng teknikal na dahilan ng pagkakaiba sa pagitan ng isang sektoral na partido at isang sektoral na organisasyon.

Naniniwala ang HWPL na ang teknikal na dahilan na ito ay hindi kabilang sa mga legal na batayan para sa diskwalipikasyon.

Ang desisyon ng Comelec ay nag-aalis sa health worker ng pagkakataong makilahok sa 2025 Partylist Elections. Halos tinanggihan nito ang mga manggagawang pangkalusugan na magkaroon ng boses sa Kongreso.

Ang pasya ng poll body ay ginawa sa kabila nang ganap na nakasunod ang Health Workers Partylist sa lahat ng kinakailangan ng poll body para sa pagpaparehistro.

Sabi nga ng HWPL, ang kanilang mga miyembro ay binubuo ng mga kapwa manggagawang pangkalusugan na itinaya ang sariling buhay upang iligtas ang buhay ng kanilang mga pasyente bago, habang at pagkatapos ng pandemya.

“Many of us were in the forefront of the actions for people’s health, health workers’ salaries, benefits, protection and humane work conditions. Through these collective actions and strength, we organized ourselves more and established chapters in 11 out of 16 cities in the National Capital Region,”anang grupo

Sino ang hindi madidismaya sa pananabla ng Comelec sa seryosong layunin ng health workers na sumali sa partylist elections at pagpigil ng poll body na maipaliwanag at makumbinsi sa mga botante ang kanilang plataporma at legislative agenda.

Tunay ngang nakababahala na sa mga nakaraang halalan, madaling kinikilala ng COMELEC ang mga dynastic political group na suportado ng malalaking partidong pampulitika, na maraming pondo at mapagkukunan.

Maraming partylist groups na kumakatawan sa marginalized at underrepresented sectors ang tila dumadaan sa butas ng karayom ​​bago maging accredited.

Marapat lamang ang paninindigan ng Health Workers Partylist na igiit ang intensyon na magkaroon ng boses ang health workers sa Kongreso.

Marami ang nag-iisip kung saan hinuhugot ng Comelec ang kanilang mga desisyon kaugnay sa partylist groups, isa na rito ay ang pagproklama kay Bicol-Saro partylist Rep. Brian Yamsuan noong Pebrero 2023 gayong kumandidato siya noong 2022 elections bilang first nominee ng Lunas partylist na natalo.

Isa pang kontrobersyal na desisyon ng Comelec ay ang pagproklama kay Robert Nazal noong Oktubre 2022 bilang kinatawan ng Magsasaka partylist kahit siya’y first nominee ng Pasahero partylist na hindi nagwagi .

Mabuti na lamang at naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema na nagpatigil sa panunumpa ni Nazal bilang mambabatas kay House Speaker Martin Romualdez.

Kamakailan ay isinapubliko ng Supreme Court ang pagsang-ayon sa pagkakatanggal sa puwesto ng tagapangulo ng MAGSASAKA Partylist na si Soliman Villamin Jr. matapos maugnay sa mga anomalya at ipinag-utos ang pagproklama sa tamang kinatawan nito sa Kamara.

Sa kabila ng pagkakatanggal sa kanya, pinanigan si Villamin ng poll body at pinayagang maghain ng nominado para sa halalan noong 2022.

May katuwiran bang pagdudahan ang mga pasya ng Comelec?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *