NAGKAROON umano ng “wow mali” sa ginanap na courtesy call ni Vietnamese Defense Minister General Phan Van Giang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacanang kaninang umaga.
Mukha raw kasing lutang ang isang opisyal ng Presidential Communications Office (PCO) at tila nawala sa sarili na ini-record umano ang 30 minutong pag-uusap nina General Phan at Marcos Jr. at ipinamahagi raw ito sa media sa Palasyo.
Halos maiyak daw sa pakikiusap ang PCO exec sa mga taga-media na huwag iere sa radio at telebisyon, isulat sa pahayagan at ipaskil sa social media ang 30-minute audio recording ng meeting.
Ang awtorisado raw na ibigay lamang sa media ay ang unang tatlong minuto ng chikahan nina Marcos Jr. at Gen. Phan.
“Hindi ba security breach ang tawag sa ginawa ng PCO exec?” tanong ng miyembro ng Las Chismosas na galing sa bakasyon grande.
CLUE:
May katagalan na rin naman daw sa trabaho sa Palasyo ang PCO exec kaya’t marami ang nagtaka kung bakit sumablay pa ito sa trabaho.
Posible raw na hindi pa ito gumagaling sa trauma na tinamo mula sa palamura at palasigaw na dating PCO exec na tinapon na sa isang tanggapan sa Arlegui kaya’t minsan ay lutang.
“Nakupo, baka maghanap siya ng bakanteng posisyon sa Senado kapag nasilip ang kanyang kapalpakan,” hirit ng miron sa Borloloy Bldg.
‘Yun na!