Fri. Nov 22nd, 2024

KUMUKULO ang dugo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isyu ng pagtakas sa bansa ni dismissed Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo.

May katwiran naman na magalit si Remulla sa Bureau of Immigration (BI) lalo na’t nasa pangangasiwa niya ang kawanihan pero siya ang pinakahuling nakaalam na nakapuga ang reyna ng POGO.

Maaaring sa tindi ng galit ni Remulla ay posibleng irekomenda niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sibakin si Norman Tansingco bilang BI commissioner.

“Kasi nung nangyari ito, hindi naman niya ako sinabihan agad eh. Marahil alam niya na matagal ‘yan bago ko nalaman. Kaya hindi na kami nag-uusap,” sabi ni Remulla sa isang press conference noong Miyerkoles.

“Hindi tama ‘yung ganung klaseng asal,” dagdag niya.

Bakit nga naman hindi manggagalaiti si Remulla kay Tansingco eh ayon sa source ng Balitang Klik, hindi naman sumakay ng bangka at barko ang magkakapatid na Alice, Shiela at Wesley Guo para makarating sa Malaysia.

Pero ang malaking tanong, paano mapapanagot ang isang Immigration official kung ito’y nagbitiw na sa puwesto at umalis na ng bansa kasama ang kanyang pamilya nang pumutok ang pagtakas ni Guo?

Ang ginamit daw na private plane ng mga Guo na lumipad papuntang Malaysia ay mula sa isang lalawigan sa Central Luzon.

Pagmamay-ari raw ng isang kabigan ng ermats ng resigned Immigration executive ang  private plane.

Sinabi ng source na naglabas ng order si Remulla na si Atty. Joel Anthony M. Viado, BI deputy commissioner, ang itinalaga niyang haharap sa pagdinig sa Senado at hindi na si Tansingco.

Bilang na kaya ang mga araw ni Tansingco sa BI?

Ano kaya ang kaugnayan ng resigned immigration exec kay Tansingco?

“Hindi lang sisibakin, kakasuhan pa,” tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.  kaugnay sa mga tumulong para makatakas si Guo .

ITUTULOY

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *