Sun. Nov 24th, 2024

Nilagdaan ng GRP at NDFP ang joint communique sa Oslo, Norway noong Nov. 23, 2023, na sumasang-ayon sa isang “principled and peaceful resolution of the armed conflict.” Nagkasundo ang magkabilang panig na bumuo ng isang peace framework. (File photo mula sa Presidential Communications Office)

 

NANAWAGAN ang isang grupo ng peace advocates sa Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na itatag na ang kani-kanilang peace panel upang umusad na ang usapang pangkapayapaan.

Sinabi ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) sa isang kalatas na mas makabubuti sa GRP at NDFP na magtalaga na ng mga miyembro na bubuo sa kanilang panel, tukuyin ang pangunahing agenda na tatalakayin sa negosasyon at maisasama sa kasunduan gayundin ang timeline o iskedyul ng pag-uusap.

Ang kalatas ay inilabas ng CLPI kasunod ng magkahiwalay na pahayag nina Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. at NDFP Negotiating Panel chairperson Julie de Lima na tiniyak ang kanilang kahandaan na magpatuloy ang exploratory talks.

“The CLPI is pleased that the Marcos administration, as stated by Secretary Galvez, is confident that it could sign the final peace agreement with the NDFP,” ayon sa CLPI.

“We are also happy that NDFP Peace Panel Chair De Lima has reiterated their commitment to the resumption of peace negotiations and for its steadfast dedication to achieving a just and lasting peace,” dagdag nito.

Batay sa nilagdaang joint statement sa Oslo, Norway noong 23 Nobyembre 2023, nagkasundo ang magkabilang panig na ipursige ang isang “principled and peaceful resolution of the armed conflict.”

Sinabi ng CLPI na kinikilala ng kasunduan ang malalim na pinag-ugatan ng “socioeconomic at political grievances” at sumang-ayon na buuin ang framework na nagtatakda ng mga prayoridad para sa peace negotiation na may layuning makamit ang nauugnay na socioeconomic at political reforms tungo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

‘Pusakal na tagapagdiskaril ng peace talks’

Gayunpaman, nababahala ang CLPI sa mga elemento sa loob ng administrasyong Marcos Jr. na iginigiit ang pagtutol sa komitment sa Oslo statement.

Tinukoy ng grupo si National Security Council chairperson Eduardo Año na ibinasura ang posibilidad ng pag-usad ng exploratory talks, hanggang sa paratang na ang mga rebolusyonaryong pwersa ng NDFP ay nagdedebate kung isusuko ang armas o hindi.

Nauna nang tinagurian ng ilang pormasyon ng NDFP, mga komand ng New People’s Army (NPA) at ng mismong Communist Party of the Philippines (CPP) si Año bilang ‘pusakal na tagapagdiskaril ng peace talks’ at gumagamit ng  mga gasgas na taktika upang pahinain ang proseso ng kapayapaan.

Hinimok ng CLPI si Pangulong Marcos na utusan ang mga salungat at ‘anti-peace voices’  sa loob ng kanyang gobyerno na umayon sa pahayag ni Galvez.

“It would also be good to agree and announce confidence-building measures, including release of NDFP peace consultants, protection, protocols and mechanism for participants in the process and temporary ceasefires,” anang CLPI.

Buong suporta at ayuda tungo sa landas ng kapayapaan

Ang konseho ay nag-alok ng buong suporta at tulong sa mga mapagpasyang hakbang sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap ng GRP at NDFP upang matiyak na ang landas tungo sa kapayapaan ay magbubukas, may pag-unlad, at isang magandang konklusyon ay makakamit.

Idinagdag ng grupo na ang malubhang socioeconomic at environmental issues at ang mga banta sa seguridad ng ibang bansa ay tumitindi at patuloy na hinaharap ng bansa.

Anang CLPI, tulad ng idineklara sa pahayag ng Oslo, kailangang magkaisa bilang isang bansa upang agarang matugunan ang mga hamong ito at malutas ang mga dahilan ng armadong tunggalian

Kabilang sa CLPI sina Cebu Archbishop Jose Palma; Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo; United Methodist church Bishop Ruby-Nell Estrella; former Ateneo Law School Dean Antonio La Viña; dating Ambassador Victoria Bataclan; Pag-himud-os founding chairperson Rafael Coscolluela; dating human rights commissioner Karen Gomez-Dumpit; former University of the Philippines (UP)-Diliman Chancellor Michael Tan; UP-Cebu Chancellor LeoMalagar; Institute for Studies in Asian Church and Culture founder Melba Padilla Maggay; retired Cultural Center of the Philippines vice president Chris Millado; Ateneo de Davao College of Law Dean Manuel Quibod; Youth Advocates for Climate Action spokesperson Mitzi Jonelle Tan; Rose Hayahay of Save Our Schools; Consortium of Bangsamoro Civil Society chairperson Guiamel Mato Alim; at Youth of the Iglesia Filipina Independiente national president Koko Alviar. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *