BINOYKOT ni Vice President Sara Duterte ang pagdinig ng Mababang Kapulungan kaugnay sa panukalang P2.037 bilyong budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon at katumbas ito ng pagtalikod sa kanyang sinumpaang tungkulin, ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
“Ang ibig sabihin nito ay bino-boycott niya tayo. Pambo-boycott ito dahil wala pa akong natatandaan na ahensya ng gobyerno o executive branch na binoycott ang Kongreso dito sa budget hearing and deliberation. So, ang ibig sabihin nito ay betrayal of her oath of office,” sabi ni Castro.
Ang hindi pagsipot ni Duterte at ng buong OVP ay nangangahulugan aniya na inabandona na ng bise presidente ang mga plano niyang sanang programa para sa 2025.
“Ang ibig sabihin ba niyan ay inaabandona na niya ang mga pinaplano niya siguro na mga constituents niya na bibigyan niya ng mga program na ito,” giit ni Castro.
“So ang problema dito, talagang bratinella. Talagang bratinella. Bratinella to the max, na ayaw na ngang matanong, umiiwas sa mga tanong, at ito pa, kapag gusto nating tanungin, hindi uma-attend… Pasensya na po ang taumbayan, binoycott tayo ng Vice President,” giit ng teacher solon.
Hindi ikinubli ng Mababang Kapulungan kahandaan sa inaasahang komprontasyon kay Duterte at mismong sa kanilang menu ay kasama ang adobong pusit at pritong pusit.
Matatandaan na sinabihan ni Castro na huwag mag-astang pusit ang OVP sa nakaraang budget hearing bunsod ng pag-iwas ni Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas kung paano niya ginasta ang budget ng kanyang tanggapan, lalo na ang P125 confidential funds na ginasta sa loob ng huling 11 araw noong 2022.
Taktikang pusit o squid tactics ang tawag sa ginagawa ng isang taong gumagamit ng ibang isyu upang umiiwas na makompronta sa tunay na usapin. (ROSE NOVENARIO)