Tungkulin ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga pagtatanong tungkol sa mga gastusin ng Office of the Vice President.
Binigyang-diin ito ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas sa ginanap na budget briefing ng House Committee on Appropriations kaugnay sa panukalang 2025 budget para sa OVP na hindi sinipot ni Duterte.
Iginiit ni Brosas na kahit hindi sang-ayon si Duterte sa mga pag-usisa ng mga mambabatas, kailangan niyang humarap sa mga miyembro ng lehislatura dahil may obligasyon siya sa sambayanang Pilipino at sa Saligang Batas bilang bise-presidente upang ipaliwanag kung saan niya dinala ang budget ng kanyang opisina at saan niya nais ilaan sa susunod na taon.
“She may not like our questions last hearing. She may not like being questioned about the OVP expenses. She may not like sitting with us here in the House, but she is accountable to the people and she has this sworn duty to the Constitution being the head of the agency to be here para malaman natin ‘yung budget niya,” ani Brosas.
Matatandaan naging viral ang pagbigkas ni Duterte sa “she may not” na naging “shiminet” sa kanyang mistulang sirang plakang sagot sa mga kongresista nang humarap siya sa unang budget briefing sa Mababang Kapulungan. (ROSE NOVENARIO)