Sun. Nov 24th, 2024

HINDI nagulat ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pag-amin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naging ahente ng Central Intelligence Agency  (CIA) ng Estados Unidos ang kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan President Renato Reyes, hindi nakapagtataka ang rebelasyon ni Marcos Jr. tungkol sa kanyang ama dahil masugid naman talagang tagasuporta ito ng US, at tagapangalaga sa interes ng Amerika sa Pilipinas.

Kaya nga aniya inayudahan ng US si Marcos Sr. nang magdeklara ng batas militar noong 1972 at kahit talamak ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at korapsyon sa kanyang diktadura, balewala ito sa Amerika.

“Marcos Sr was always a staunch supporter of the US, beholden to US interests. It is no surprise that the US backed the declaration of Martial Law in the Philippines and the dictatorship, despite the human rights violations and the corruption prevalent then,” ani Reyes.

Sa kanyang talumpati sa Daytoy Ti Bannawag Monument sa Batac City, Ilocos Norte ngayon bilang paggunita sa ika-107 kaarawan ng kanyang ama, kinompirma ni Marcos Jr. ang matagal ng hinala ng maraming Pinoy na ahente ng CIA ang kanyang ama kaya hindi natinag sa puwesto sa loob ng dalawang dekada.

“I will recount to you an experience that I had recently when I was in the United States and I was hosted by the director of the Central Intelligence Agency, the CIA. At ang request ko sa kanila: “Can I see some of the records about my father when he was working with the OSS?” kuwento ni Marcos Jr.

“And I mean he was greater than even we realized. The things that he did, the things that — the sacrifices that he made for the Philippines. And I asked CIA, “Maaari ba pakopya ko, iuwi ko?” “Sorry, it is still classified,” dagdag niya.

Ang CIA ay nagsimula sa pangalang Office of Strategic Services (OSS), isang wartime agency, na itinatag upang manalo sa World War II ang Amerika.

Matatandaan matapos patalsikin ng EDSA People Power 1 si Marcos Sr. ay nanatili ang kanyang pamilya sa Hawaii at kahit tambak ang kanilang naging kaso kaugnay sa kanilang ill-gotten wealth, walang nakaranas sa kanila na mabilanggo kahit isang minuto kahit dito sa Pilipinas, sa kabila na napatunayang guilty sa mga kasong graft si dating Unang Ginang Imelda Marcos.

May pagkakautang rin sa hukuman sa Amerika ang pamilya Marcos na  $365-M at $2-B sa mga biktima ng human rights violations ng diktadurang Marcos Sr, ayon kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner Ruben Carranza noong Penrero 2022.

Sinabi ni Carranza na nahaharap sa contempt judgment sina Marcos Jr at kanyang inang si Imelda sa Amerika dahil sa pagsuway sa utos ng korte na bayaran nila ng $2-B danyos ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong rehimeng Marcos .

Dahil sa hindi pagsunod sa utos ng korte ay pinagbabayad silang mag-ina ng multang umabot na sa $365-M mula noong 1995.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *