Maaaring ipag-utos ng International Criminal Court (ICC) anumang oras ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kahilingan ng prosekusyon, habang tinutukoy pa nito ang kalusugan at kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na humarap sa paglilitis, ayon kay Kristina Conti, ICC-accredited Assistant to Counsel, nitong Lunes.
“This issue could actually proceed independently of a warrant of arrest against Bato or others, because at this point, the prosecution is just sitting around and waiting for results. Wala na po siyang ginagawa,” ayon kay Conti sa programang Headstart sa ANC.
Ito ay kasunod ng walang takdang pagpapaliban ng ICC sa pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Duterte, na orihinal na itinakda noong Setyembre 23, matapos igiit ng kampo ng depensa na hindi na kayang humarap sa paglilitis ang dating pangulo.
Sinabi ni Conti na nakikipag-ugnayan ang ICC sa mga eksperto sa kalusugan upang talakayin ang kondisyon ni Duterte at matukoy kung tunay nga na hindi niya na kayang humarap sa paglilitis.
Natanggap na rin aniya ng ICC ang mga resulta ng pagsusuri kay Duterte, kabilang ang isa mula sa isang psychiatrist.
Binanggit ni Conti na kabilang ang pangalan ni Dela Rosa sa mga draft charges laban kay Duterte.
“The prosecution has already built up a case against Bato Dela Rosa at the least. Bato’s name even appears in the documents containing the charges,” aniya.
Bagaman redacted o tinakpan ang mga pangalan ng walong iba pa sa pampublikong bersyon ng dokumento ng ICC, sinabi ni Conti na ipinapakita nitong dalawa ay mga pulis, isa ay itinalagang opisyal, isa ay “malapit,” at isa pa ay kaibigan.
“These eight players are also considered among the most responsible.”
Gayunman, binigyang-diin ni Conti na maaaring maging mahirap ang pag-aresto kay Dela Rosa sa ngayon dahil sa iba’t ibang salik, kabilang ang pagiging incumbent senator nito.
Posibleng mag-atubili rin ang mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas sa Pilipinas, gaya ng PNP, National Bureau of Investigation, at iba pa, na arestohin ang isang dating hepe ng PNP.
Dahil sa sinasabing kondisyon sa kalusugan ni Duterte at sa posibleng apela ng depensa, ang pinaka-maagang petsa ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso ay maaaring sa Enero o Pebrero ng susunod na taon, ayon kay Conti.
“For us, the reasonable or most probable time, including possible appeals, would be January, February so that everything is settled,” aniya.
Isinasaalang-alang din umano nito ang panahon ng court recess sa Disyembre.
Binigyang-diin ng abogada na ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso ay hindi pa simula ng paglilitis, kundi “simula pa lamang ng pag-uusap ukol sa mga paratang.”
Ang desisyon kung ikukumpirma ang mga kaso o hindi ay darating makalipas ang 60 araw, dagdag niya.
Tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber ang kahilingan ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya.
Ayon kay Conti, nakatulong sa desisyon ng ICC ang mga pahayag, posisyon, at kapangyarihan ng mga anak ng dating pangulo , sina Pangalawang Pangulo Sara Duterte at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte. (RRN)