Wala tayo sa mabangis na mundo kaya hindi dapat nabubuhay sa pananakot ang mga Pinoy.
Tugon ito ni Palace Press Officer Claire “Ante Kler” Castro sa babala ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa mga hukom ng International Criminal Court (ICC) na nagbasura sa hirit na pansamantalang kalayaan o interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Pulong, “It is a political theater. To all kidnapers of my father, I will make sure that you will pay for this crime that you have committed.”
“Unang-una po, hindi po dapat tayo mabuhay sa mga pagbabanta. Tayo po ay nasa sinasabing “civilized society” at wala po tayo sa isang barbaric world so dapat po tayong tumugon kung ano po ang rule of law at hindi po tayo dapat natatakot or lagi na lamang nabubuhay sa pananakot, “sabi naman ni Ante Kler.
Matatandaan na tila “napahamak” pa ni Vice President Sara Duterte ang hirit na interim release ng kanyang ama matapos bigyang-diin ng mga hukom na ang “mga pampublikong pahayag” at “posisyon sa kapangyarihan” ni VP Sara na maaaring makatulong sa kanyang ama upang makaiwas sa hustisya.
Tinukoy ng korte ang sinabi ni Sara noong Hulyo na hinimok ang kanilang mga supporters na itakas ang kanyang ama o “break him out” mula sa kustodiya ng ICC. (ROSE NOVENARIO)