Mariing tinutulan ng Makabayan bloc ang pagpasa sa ikatlong pagbasa ng panukalang ₱6.7 trilyong General Appropriations Bill para sa taong 2026.
Ayon sa grupo, ang naturang badyet ay tahasang pagpapatuloy ng tiwaling sistema ng pork barrel na umano’y naglustay ng bilyon-bilyong piso mula sa taumbayan sa pamamagitan ng mahigit 9,000 proyekto sa flood control mula 2022 hanggang kasalukuyan.
Sa kabila ng sinasabing “reform budget” ng liderato ng Kamara at ng administrasyon, iginiit ng Makabayan na malayo ito sa katotohanan.
Nanatili umano sa badyet ang dambuhalang presidential at legislative pork barrel na tinatayang aabot sa ₱695.78 bilyon.
Ang presidential pork barrel ay tinatayang nasa ₱281 bilyon, kabilang ang ₱243 bilyon sa Unprogrammed Appropriations, ang parehong mekanismong lumobo sa kasaysayan noong 2023 at 2024 at ginamit sa libu-libong proyektong imprastruktura na naging daan sa malawakang pandarambong.
Nanatili rin ang Confidential and Intelligence Funds na umaabot sa ₱10.9 bilyon, gayundin ang ₱8.08 bilyong Barangay Development Fund ng NTF-ELCAC. Ang Office of the President ang may pinakamalaking bahagi sa CIF na ₱4.5 bilyon.
Giit ng Makabayan, hindi maaaring takasan ng Pangulo ang command responsibility sa korupsyong ito.
Bilang tagapag-apruba ng lahat ng pondo mula sa Unprogrammed Appropriations, siya umano ang may direktang pananagutan sa bawat ghost project, overpriced contract, at substandard na imprastruktura na pinondohan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bukod pa rito, tinukoy ng grupo ang ₱415 bilyong legislative pork barrel, ang impormal na sistema ng alokasyon na nagpapalakas sa patronage politics.
Sa pamamagitan ng District Engineering Offices ng DPWH, ₱174.6 bilyon ang ilalaan bilang “allocables,” ₱230 milyon kada distrito at ₱3.2 bilyon kada senador.
Dagdag pa rito ang ₱32.6 bilyon para sa farm-to-market roads, ₱35.1 bilyon para sa school buildings, ₱20.2 bilyon para sa health facilities, at ₱9.6 bilyon para sa irigasyon—lahat ay nakadepende sa nominasyon ng mga mambabatas.
Binatikos din ng Makabayan ang ₱130.4 bilyong “ayuda” funds, medical assistance, livelihood programs, scholarships, at crisis intervention, na ginagamit umano ng mga mambabatas upang palakasin ang kanilang political machinery sa harap ng kahirapan at kakulangan sa serbisyong panlipunan.
Bagamat ipinagmamalaki ng administrasyon ang pag-alis ng ₱255 bilyong flood control projects at ang pag-realign nito sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, at social services, iginiit ng Makabayan na ito ay pork barrel pa rin sa ibang anyo—mga proyektong classroom, kalsada, scholarship, at ayuda na pinapanatili ang sistemang patronage.
Ayon sa grupo, anumang proyekto na may nominasyon mula sa mambabatas ay bukas sa korupsyon.
Sa mga pagdinig sa Kongreso, napatunayan na ang mga proyektong may nominasyon ay kadalasang sangkot sa rigged bidding at kickbacks sa pagitan ng DPWH at mga pribadong kontratista.
Ang ugat ng problema ay hindi kung anong proyekto ang pinopondohan, kundi kung paano ito pinipili, inaaprubahan, at ipinatutupad.
Patuloy umanong napupunta sa mga paboritong kontratista ang mga proyekto, kapalit ng hanggang 40% kickback sa mga mambabatas.
Ito ang dahilan ng mga ghost, substandard, at overpriced projects—at nananatili pa rin ang sistemang ito.
Bagamat may isinasagawang imbestigasyon ang Independent Commission on Infrastructure, limitado umano ang epekto nito hangga’t hindi binubuwag ang mismong sistemang nagpapalaganap ng korupsyon.
Anila, walang silbi ang imbestigasyon kung ang mismong badyet na ipinapasa ay nagpapatuloy sa mga mekanismong nagpapalakas ng katiwalian.
Tinuligsa ng Makabayan ang retorika ng administrasyong Marcos Jr. ukol sa anti-corruption, na anila’y hungkag sa harap ng ₱696 bilyong pork barrel sa badyet.
“Hindi ito reporma. Ito ay konsolidasyon ng tiwaling sistema na nagpapayaman sa iilang nasa poder habang milyon-milyong Pilipino ang salat sa silid-aralan, ospital, disenteng pabahay, at batayang imprastruktura,” ayon sa pahayag ng Makabayan.
Nanawagan ang grupo sa taumbayan na tutulan ang pekeng reporma ng administrasyon at igiit ang tunay na pananagutan.
Dapat umanong buwagin ang pork barrel system, alisin ang Unprogrammed Appropriations bilang presidential slush fund, at papanagutin ang mga nasa likod ng trilyong pisong pandarambong sa flood control funds.
“Bumoto kami ng NO sa 2026 General Appropriations Bill.” (ROSE NOVENARIO)