Sat. Mar 14th, 2026

Walang balak si Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson na magpatawag ng pagdinig kaugnay ng umano’y palitan ng text messages nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating PLLO chief Adrian Bersamin hinggil sa kickback sa 2025 budget insertions.

Tugon ito sa panawagan ni Rep. Edgar Erice na imbestigahan ang umano’y record ng text exchanges na ipinakita sa kanya.

Giit ni Lacson, walang nabanggit na pangalan ni Bersamin o text messages sa alinmang Blue Ribbon hearing.

“Maliwanag na hearsay. Bakit ako tatawag ng pagdinig sa isang hearsay na walang basehan lalo na sa records ng Blue Ribbon,” aniya. Tinawag pa niyang “triple chismis” ang ibinulgar nina Erice at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Noong Nobyembre 2025, binanggit ni Lacson sa budget deliberation na ikinuwento sa kanya ni dating DPWH Usec Roberto Bernardo ang umano’y delivery ng kickback kina dating DepEd Usec Trygve Olaivar at Bersamin. Ngunit sa huling Blue Ribbon hearing, hindi nabanggit si Bersamin.

Ayon kay Lacson, kung nais magboluntaryo si Bersamin, maaari siyang magsumite ng draft affidavit at sumpaan ito sa komite, gaya ng ibang testigo.

Samantala, inamin ni Lacson na nakipagpulong sa kanya si Batangas Rep. Leandro Leviste matapos ang pagsisiwalat nina Erice at Tinio, ngunit tumanggi siyang ibahagi ang detalye dahil umano’y “confidential” ang kanilang usapan.  (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *