Binatikos ng Makabayan bloc ang maagang anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028, na tinawag nilang desperadong pagtatangka upang takasan ang pananagutan sa mga mabibigat na paratang ng korupsyon, maling paggamit ng confidential funds, at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Ayon sa mga progresibong kongresista, ang deklarasyon ni Duterte ay hindi tungkol sa paglilingkod sa taumbayan kundi sa pagbaluktot ng naratibo, na ang impeachment laban sa kanya ay politikal na panggigipit, imbes na isang konstitusyonal na proseso para panagutin ang isang opisyal na nagkasala.
“Huwag nyang linlangin ang mamamayan. Ang impeachment laban sa kanya ay hindi pulitika—ito ay pananagutan,” giit ng Makabayan, na tinukoy ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na milyun-milyong confidential funds, kampanyang pinondohan umano ng POGO operators at drug syndicates, at testimonya ng mga whistleblower mula sa kanyang sariling security group.
Dagdag pa ng bloc, ang maagang pag-anunsyo ng kandidatura ay bahagi ng “authoritarian playbook”: magdeklara ng pagtakbo, magpanggap na biktima, at gawing panangga ang eleksyon laban sa mga imbestigasyon.
Binanggit ng reklamo sa impeachment ang mga dokumentadong alegasyon, maling paggamit ng daan-daang milyong pisong pondo, iligal na campaign financing, at paggamit umano ng mga opisyal militar bilang bagman para maglipat ng cash.
“Kung wala kang tinatago, Madam Vice President, harapin mo ang impeachment. Sagutin mo ang mga paratang. Ipakita mo ang resibo ng confidential funds. Huwag kang tumakbo sa 2028 para takasan ang accountability sa 2026,” ayon sa Makabayan.
Nanawagan ang bloc sa pamunuan ng Kamara na tipunin ang kinakailangang one-third vote para sa mabilis na impeachment process, at iginiit na dapat nakabatay sa ebidensya ang proseso, hindi sa ambisyon ni Duterte.
“Accountability muna. Hustisya muna. Katotohanan muna. Pagkatapos lamang nito maaaring pag-usapan ang 2028.” (ROSE NOVENARIO)