Hindi lamang kontra sa hustisya kundi “insensitive at unfair” para sa mga pamilya ng mga biktima at sa mga nagsakripisyong nagdala ng kaso sa International Criminal Court (ICC) ang pahayag ni Sen. Bam Aquino na sa Pilipinas dapat litisin ang mga kaso ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“This is personal to us na mga nag-file ng kaso; nag-alaga ng mga testigo; at nangalap ng mga ebidensya para lang makamit ang hustisya na di maibibigay dito sa Pilipinas kahit gaano mo pa paikutin,” pahayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na ipinaskil sa social media.
“Siyam na taon ang inantay ng mga pamilya ng mga biktima habang ang mga nagbibida-bida ngayon na may malasakit kuno sa mga biktima ay wala namang ginawa nung kasagsagan ng EJK,” dagdag niya.
Tinuligsa rin niya ang umano’y “pa-pogi” na pahayag ni Aquino na aniya’y tila panliligaw sa mga tagasuporta ni Duterte.
“Pa-pogi lang sa mga DDS at the expense ng mga nagsakripisyo? That’s so insensitive and so unfair,” diin ni Trillanes.
Kinuwestiyon din niya si Aquino sa hindi pagsampa ng mga kaso laban kay Duterte sa mga hukuman sa Pilipinas sa kasagsagan ng drug war, kung talagang naniniwala ang senador sa justice system sa bansa
“Para maliwanag, Sen. Bam, kung talagang naniniwala kang dapat dito litisin ang mga EJK cases, kinasuhan mo ba sa local courts si Digong at iba pang co-perpetrators nung mga panahong iyun?” ani Trillanes.
Napatunayan aniya na totoo ang isiniwalat niya noong nakaraang taon na sinabi ng kampo ng mga “pinklawan” noong 2022 campaign na hindi ipapadala si Duterte sa The Hague kahit may ICC warrant kapag nanalo bilang pangulo si noo’y Vice President Leni Robredo.
“Last year, binash ako ng mga supporters ni Sen. Bam at VP Leni nung namention ko sa interview with Christian Esguerra na sinabi nila sakin na kung mananalo si VP Leni as president ay di nya ibibigay si digong sa The Hague. Ngayon, napatunayan na nagsasabi ako ng totoo dahil galing na mismo kay Sen. Bam,” wika ni Trillanes. (ROSE NOVENARIO)