Mariing kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang pangulo, tinawag itong isang “desperate, shameless, at opportunist” na hakbang para ilihis ang atensyon mula sa impeachment complaint laban sa kanya at sa nalalapit na pagdinig ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Bayan, walang kredibilidad si Duterte na magsalita laban sa korapsyon matapos abusuhin ang confidential funds at makipagsabwatan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa “malawakang pagnanakaw sa pera ng bayan.”
“Imbes na magpanggap na lider na magbabalik ng tiwala sa gobyerno, dapat siyang managot sa pagtataksil sa tiwala ng publiko,” giit ng grupo.
Dagdag pa ng Bayan, parehong may sala sina Duterte at Marcos sa lumalalang korapsyon, kahirapan, pagbagsak ng ekonomiya, at patuloy na paglabag sa karapatang pantao. Tinawag nilang insulto sa mga pamilya ng EJK victims ang presidential bid ni Duterte.
Para sa Bayan, ang anunsyo ni Duterte ay “indictment ng corrupt at repressive rule ni Marcos Jr.,” na nagpapakita ng malalim na ugat ng impunity sa bulok na political system.
Nanawagan ang grupo sa mamamayan na tutulan ang kandidatura ni Duterte, kondenahin ang administrasyong Marcos, at ipagpatuloy ang laban para buwagin ang pamumuno ng mga dinastiya, despots, at “delusional nepo babies.” (RRN)