Sa kabila ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang paglilipat sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague upang harapin ang posibleng paglilitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong pamamaslang sa ilalim ng kanyang “giyera kontra droga,” nananatiling laganap ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Ayon sa World Report 2026 ng Human Rights Watch, nagpatuloy ang mga pamamaslang ng pulisya, enforced disappearances, at pangha-harass sa mga aktibista at mamamahayag sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang nananatiling bihira ang pananagutan ng mga salarin sa kabila ng kanyang mga pangako na uunahin ang karapatang pantao.
Extrajudicial Killings at Karahasang Pulitikal
Ayon sa monitoring ng Dahas, 238 katao ang napatay sa mga insidente kaugnay ng droga mula Enero hanggang Nobyembre 2025.
Higit sa 1,000 na ang nasawi mula nang maupo si Marcos noong 2022. Kabilang sa mga biktima si Ali Macalintal, isang transgender rights activist na binaril ng armadong lalaki sa Mindanao noong Hunyo.
Lumala rin ang karahasang pulitikal bago ang halalan sa Mayo, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region.
Red-Tagging at Pangha-harass
Bagaman idineklara ng Korte Suprema noong 2024 na banta sa buhay at kalayaan ang red-tagging, patuloy itong isinasagawa laban sa mga aktibista, lider ng paggawa, at tagapagtanggol ng lupa.
Tinanggihan ng pamahalaan ang panawagan ng UN experts na buwagin ang National Task Force on Ending Local Armed Conflict, at sa halip ay iminungkahi ang 340 porsyentong dagdag sa pondo nito para sa 2026.
Kaso ng Terrorism Financing
Ginagamit ng pamahalaan ang batas laban sa terrorism financing upang kasuhan ang mga grupo ng civil society.
Bagaman tinanggal ng Financial Action Task Force ang Pilipinas sa “grey list” noong 2025, patuloy ang mga bagong kaso laban sa mga aktibista.
Ilang kaso ang ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya, ngunit nananatiling nakakulong si community journalist Frenchie Mae Cumpio.
Enforced Disappearances
Patuloy na nawawala ang mga aktibista at lider ng katutubo, habang hirap ang mga pamilya na makakuha ng impormasyon.
Hindi pa rin nilalagdaan ng Pilipinas ang UN Convention Against Enforced Disappearance, at nananatiling mahina ang pagpapatupad ng lokal na batas laban dito.
Karapatan ng Katutubo
Sa Palawan at Mindanao, nakaranas ng pangha-harass at pag-aresto ang mga komunidad na lumalaban para sa kanilang lupang ninuno.
Madalas na pumapabor ang korte sa mga korporasyon, habang patuloy ang pangamba ng mga residente sa sapilitang pagpapalayas.
Pag-atake sa Mamamahayag
Isa pa ring mapanganib na bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Tatlo ang pinaslang noong 2025, habang halo-halo ang naging hatol sa mga lumang kaso.
Nakulong si dating gobernador ng Palawan Joel Reyes dahil sa katiwalian, ngunit hindi pa nahahatulan sa kasong pagpatay kay broadcaster Gerry Ortega noong 2011.
Karapatan ng Kababaihan at LGBTQ+
Nanatiling bawal ang aborsyon sa lahat ng pagkakataon, habang tumaas ang bilang ng pagbubuntis ng kabataang babae. Hindi pa rin naipapasa ang batas sa diborsyo, na nag-iiwan sa Pilipinas at Vatican bilang tanging mga bansa na walang diborsyo. Nabigo rin ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+ at civil partnership bill. (RRN)