Angkop ba bilang welcome song para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa Filipino Community event sa Abu Dhabi noong Enero 13, ang “What’s Up” ng 4 Non Blondes?
Ito ang tanong ng ilang nakapanood ng video ng pagtitipon na ipinaskil ng Presidential Communications Office (PCO) at Radio Television Malacanang (RTVM) sa kanilang social media page.
Sa rami ng mga opisyal mula sa PCO, Department of Foreign Affairs (DFA) , Embahada ng UAE at protocol officers na kasama ng Pangulo sa biyahe, isa man lamang sa kanila ay hindi nagmalasakit na busisiin ang laman ng programa, kasama na ang mga kakantahin ng performer.
Sabi nga ng isang political observer, sa panahong nabulgar sa buong mundo kung gaano kalala ang korapsyon sa kanyang administrasyon at binabansagan pa siyang “bangag” o drug addict ng kanyang detractors, tama ba naman na kantahin ng sabay-sabay sa programa, pati ng kanyang delegasyon, kasama si Foreign Affairs Secretary Teresita Lazaro ang mga linyang:
“And I say, hey-ey-ey (wake in the morning and step outside)
Hey-ey-ey (take a deep breath and I get real high)
I said, “Hey, a-what’s going on?” (And I scream)”
Tila kulang sa briefing sa wastong presidential protocol ang ilang opisyal ng administrasyon at nakalimutan yata na anoman ang content ng programang dadaluhan ng kanilang principal, lalo na sa ibang bansa, ay makakaapekto sa imahe ng Pangulo.
Napag-alaman na advance pang nagtungo sa UAE si Communications Secretary Dave Gomez at dalawang media relations personnel , bukod pa na may Dubai-based assistant secretary ang PCO kaya’t nakagugulat na hindi plantsado ang programa.
Pinayuhan kaya nila ang performer sa mga angkop na awit sa presidential event, na kung tutuusin ay automatic na inaalam sa pagkakasa pa lang ng content ng programa?
Ilang buwan na lang ay apat na taon na sa poder ang administrasyong Marcos Jr., bakit parang sa pagganap ng kanilang batayang tungkulin ay pumapalpak pa rin ang ilang opisyal?
Limang beses nang nagpalit ng communications secretary ngunit habang tumatagal ay lalong bumababa ang trust rating ng Pangulo.
Kung nais ni Marcos Jr. na maging matagumpay ang ASEAN summit na gaganapin sa ating bansa ngayong taon, mukhang matinding pagpapagpag ang kailangan gawin sa kanyang mga alipores.