: Mula kaliwa: Vincent Co, Leonardo Dayao, Manuel B. Villar, Jr., Lucio Co at Manuel Paolo A. Villar. | ALLTV News FB
Nagbabala ang Water for the People Network (WPN) na ang pagbebenta ng PrimeWater Infrastructure Corp. ni negosyanteng Manuel Villar kay tycoon Lucio Co ay hindi nag-aalis sa matagal nang problema ng pribatisasyon ng tubig sa Pilipinas.
Sa halip, ayon sa grupo, lalo nitong pinatitibay ang pinsalang idinulot sa mga konsumer na patuloy na nagdurusa sa mataas na singil, hindi maaasahang suplay, at mababang kalidad ng serbisyo.
Sa halagang hindi isiniwalat, binili ni Co—na kilala sa Puregold supermarket chain—ang PrimeWater sa pamamagitan ng Crystal Holdings Inc.
Ang transaksyon ay naganap sa gitna ng lumalakas na galit ng publiko at nagpapatuloy na imbestigasyon ng estado hinggil sa 77 joint venture agreements (JVAs) ng PrimeWater sa mga lokal na water district sa buong bansa.
“The transfer of PrimeWater from one oligarch to another does not change the fact that consumers continue to suffer from high water rates, unreliable supply, and dismal services,” ayon kay WPN spokesperson Leo Espelimbergo.
Binigyang-diin ni Espelimbergo na nananatiling mananagot ang pamilya Villar sa mga taon ng kabiguan sa serbisyo, sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng publiko at mga pagtatangka ng mga water district board at lokal na opisyal na tapusin ang JVAs.
Dagdag pa niya, nararapat lamang na mabigyan ng kompensasyon ang mga konsumer sa pamamagitan ng moratorium sa bayarin, refund, at iba pang anyo ng kabayaran.
Binatikos din ng grupo ang administrasyong Marcos dahil sa kabiguan nitong kumilos nang may determinasyon, sa kabila ng mga pahayag na pananagutin ang PrimeWater. Ayon sa WPN, wala pang lugar na nakaranas ng ganap na pagbabalik ng ligtas at maaasahang 24/7 na serbisyo sa tubig, kahit pa aprubado na umano ng Malacañang ang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration.
“The sale merely perpetuates privatization and the JVAs’ grave violations of consumers’ rights to basic needs and redress,” ani Espelimbergo.
Pamana Water, May Reklamo Rin
Itinuro rin ng WPN ang sariling kompanya ni Co, ang Pamana Water Company, na may hindi bababa sa 15 JVAs sa Pangasinan, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, at Zamboanga Peninsula. Nahaharap din ito sa mga reklamo ng konsumer dahil sa mababang kalidad ng serbisyo, kabilang ang kakulangan o kawalan ng tubig sa Nueva Ecija, maruming o naninilaw na tubig sa Tarlac, at kasabay nito ang pagtaas ng singil sa Pangasinan.
“Pamana is no saint. Like PrimeWater, consumers have criticized Co’s firm for entering previously well-performing water districts and delivering substandard service while imposing higher rates,” ani Espelimbergo.
Pribatisasyon, Patuloy na Pasakit
Ayon sa WPN, ang Public-Private Partnership (PPP) Law at mga naunang polisiya ng pribatisasyon ang nagbigay-daan sa pribadong pagkamal ng tubo mula sa mga serbisyong dapat ay pampubliko.
Sa Metro Manila, tumaas ng hanggang 1,500% ang singil sa tubig mula nang ma-pribado, habang sa mga water district na sakop ng JVAs ay dumoble ang singil—ngunit nananatiling hindi nalulutas ang problema sa access, kalidad, at kahusayan ng serbisyo.
Sinabi ni Espelimbergo na ang malakas na panawagan ng publiko ay nagtulak sa mga oligarko na magkasundo sa isa’t isa, habang ang gobyerno ay nanatiling nakatingin lamang na may “walang laman na pahayag,” na iniwang walang sagot ang mga hinaing ng konsumer.
Binigyang-diin niya na dapat paigtingin ang laban para muling mabawi ng publiko ang kontrol sa serbisyong tubig.
Panawagan
Nanawagan ang WPN sa agarang pagbabalik ng serbisyo ng tubig sa lahat ng apektadong lugar, ang pagwawakas ng mga mapang-abusong JVAs, at ang ganap na pagtatapos ng pribatisasyon ng tubig.
Ipinahayag din ng grupo ang pakikiisa sa mga konsumer at lokal na pamahalaan na tunay na nagsisikap na mabawi ang pampublikong kontrol sa mga water district.
“Ibalik ang tubig sa publiko ngayon! Responsibilidad ng gobyerno ang serbisyo sa tubig!”giit ng grupo. (ROSE NOVENARIO)