Thu. Feb 12th, 2026

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakatuklas ng bagong natural gas reservoir na tinatawag na Malampaya East 1 (MAE-1), na matatagpuan limang kilometro sa silangan ng kasalukuyang Malampaya Field.

Tinatayang naglalaman ito ng 98 bilyong cubic feet ng gas, na katumbas ng 14 bilyong kilowatt hour ng kuryente kada taon, sapat upang magsuplay ng kuryente sa 5.7 milyong kabahayan, 9,500 gusali, o 200,000 paaralan sa loob ng isang taon.

Ayon sa paunang pagsusuri, ang balon ay naglabas ng 60 milyong cubic feet bawat araw, na nagpapakita ng mataas na produktibidad kumpara sa mga orihinal na balon ng Malampaya.

Binanggit din ni Marcos Jr. na may kasamang condensate ang natuklasan, isang mahalagang likidong fuel, at binigyang-diin ang papel nito sa pagpapatatag ng suplay ng kuryente sa bansa.

Ang MAE-1 ay unang tagumpay sa ilalim ng Malampaya Phase 4 drilling campaign, na kinabibilangan din ng Camago-2 at Bagong Pag-asa wells.

Susunod na hakbang ang pagkumpleto at pagsusuri sa Camago-3, kasunod ang pagbabarena sa Pag-asa Exploration well upang matuklasan pa ang mga posibleng reserbang gas.

Ang proyekto ay pinangungunahan ng SC-38 Consortium, na binubuo ng Prime Energy, UC-38, PNOC Exploration Corporation, at Prime Oil and Gas Incorporated.

Sinabi ni Marcos Jr. na ang tagumpay na ito ay “patunay na sa responsableng pangangalaga sa kalikasan at matibay na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, makakamit natin ang mas maasahang supply ng enerhiya para sa bawat Pilipino.”  (JCNE)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *