Naghain ng isang Manifestation with Urgent Motion to Conduct Investigation noong Martes, Setyembre 22, ang mga health worker, nars, at doktor sa Professional Regulation Commission (PRC) upang hilingin sa Komisyon na imbestigahan ang tinatawag nilang patuloy na mga paglabag na umano’y ginagawa ng doktor na si Lorraine Marie T. Badoy kasunod ng inilabas na desisyon ng PRC sa kanilang kaso.
Noong Mayo 8, 2026, pinatawan ng PRC si Badoy ng parusa matapos itong mapatunayang guilty sa paglabag sa Revised Code of Ethics of the Medical Profession, na itinuturing na hindi etikal at hindi propesyonal na asal.
Pinatawan siya ng anim na buwang suspensiyon sa kanyang certificate of registration, kung saan ipinagbawal sa kanya ang panggagamot.
Gayunpaman, ayon sa mga health worker, simula noong Hunyo 28, 2026 o ilang araw lamang matapos matanggap ng kanilang abogado ang desisyon ng PRC ay gumawa si Badoy ng serye ng mga pampublikong post sa Facebook na muling nag-uugnay sa Alliance of Health Workers (AHW) bilang isang umano’s prente ng CPP-NPA-NDF, at inulit ang mga akusasyon laban sa mga nagrereklamo at sa iba pang indibidwal at organisasyon.
Sinabi ng mga health worker na ang mga sumunod na post noong Hunyo 29, Hulyo 5, at Hulyo 7 ay katulad ding nag-ulit sa mga alegasyong ito at pinalawak pa ang mga pahayag upang isama ang mga pag-atake laban sa mga organisasyon ng media, indibidwal, at maging sa PRC mismo.
Ipinaglalaban ng mga nagrereklamo na ang mga sumunod na gawaing ito ay may parehong katangian sa asal kung saan nauna nang pinatawan ng parusa si Badoy, kaya’t nararapat lamang itong maging paksa ng isang bagong imbestigasyon at kaukulang aksyong pandisiplina sa ilalim ng Medical Act of 1959, as amended, at ng Revised Code of Ethics of the Medical Profession.#
