Fri. Sep 18th, 2026

Mananatiling nakakulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Schveningen prison complex ng International Criminal Court (ICC) matapos pagtibayin ng Trial Chamber III na mas tumindi ang panganib na siya’y tumakas at makialam sa mga saksi, sa kabila ng depensa hinggil sa umano’y paghina ng kanyang kognitibong kalusugan.

Sa limang pahinang desisyon na inilabas nitong Miyerkules ng gabi, binigyang-diin ng chamber na ang pagbubunyag ng mga pangalan ng saksi, pagsumite ng malawak na ebidensya, at pinakabagong pagsusuri ng mga doktor ng hukuman ay nagpalala sa posibilidad ng obstruction.

Ayon kay Presiding Judge Joanna Korner, may kakayahan si Duterte na impluwensyahan ang mga saksi “direkta man o sa pamamagitan ng kanyang pamilya o mga tagasuporta sa Pilipinas.”

Itinuro rin ng chamber na kung sakaling mahatulan, posibleng makulong nang matagal si Duterte, dahilan upang hindi siya karapat-dapat sa pansamantalang paglaya, may kondisyon man o wala.

Tinanggihan ng hukuman ang hiling ng dating lider na makalaya dahil sa kalusugan, matapos makita ng mga doktor na walang bagong batayan para baguhin ang kanyang detensyon.

Pinagtibay ng desisyon ang naunang ruling ng TC III noong Mayo na nagpapanatili sa kanyang pagkakakulong dahil sa mataas na tsansang pagtakas.

Ito’y kasunod ng kumpirmasyon ng Pre-Trial Chamber I noong Abril sa mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte.

Alinsunod sa Rome Statute, obligadong suriin ng chamber kada 120 araw kung may pagbabago sa sitwasyon o nananatili ang panganib.

Binigyang-diin din ng mga hukom ang naunang pahayag ni Duterte na tinawag ang kanyang detensyon bilang “kidnapping,” na anila’y patunay ng kawalan ng intensyon na sumunod sa mga kautusan ng hukuman kung bibigyan ng pansamantalang kalayaan.

Ang pinakabagong ruling ay mahalagang hakbang sa paglilitis, na inaasahang magbubukas sa testimonya ng mga saksi at presentasyon ng ebidensya laban sa dating pangulo. # (RRN)

By admin