Sun. Sep 13th, 2026

May mga bagong testigong lumutang upang maglahad ng detalye hinggil sa paghatid ng kahon-kahong pera kaugnay ng mga maanomalyang infrastructure project sa Taguig City, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.

Ayon kay Lacson, dumulog ang mga testigo sa Ombudsman upang ibahagi ang mga detalye ng mga naturang paghatid, kabilang ang hindi bababa sa isang delivery na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.

“Ang latest development diyan, may mga testigo na dumulog sa Ombudsman kung saan nag-share ng details paano dinadala ang kahon-kahong pera, parang ang isang delivery, (milyun-milyong piso),” aniya sa panayam sa DZBB radio.

Sinabi niya na kabilang ang impormasyong ito sa mga ebidensyang sinusuri sa fact-finding investigation ng Ombudsman.

Nauna rito, pormal na isinumite nina Lacson at ng kanyang team sa Office of the Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies, kalakip ang mga opisyal na dokumento, na naglalahad ng “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project. Kasunod nito, naglunsad ang Office of the Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyong may kaugnayan sa mga proyekto sa Taguig.

Ani Lacson, batay sa takbo ng imbestigasyon ng Ombudsman, hindi na siya magugulat kung magsampa ito ng mga kaso laban sa mga sangkot bago matapos ang taon.

“Ngayon Ombudsman na ang gumagalaw so let’s see what happens. I would like to think hindi ito aabutin ng end of the year magkakaroon ng pagsasampa ng kaso dito,” aniya.

Encroachment sa Laguna Lake

Samantala, sinabi ni Lacson na lumalabas sa mga bagong findings mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na umabot na sa 170 ektarya ang unauthorized encroachment sa Laguna Lake sa panig lamang ng Taguig City—doble sa unang pagtatayang 85 ektarya.

“TAGUIG UPDATE: The scale of unauthorized encroachment into Laguna Lake has dramatically expanded. While initial estimates pointed to 85 hectares, our latest verification from the PRA reveals that 170 hectares on the Taguig side alone have been covered with soil,” aniya sa X nitong Sabado ng hapon.

Sa panayam nitong Linggo, sinabi ni Lacson na ipinakikita ng karagdagang datos mula sa PRA na ang 170 ektarya sa panig lamang ng Taguig ay halos sangkatlo ng tinatayang 560 ektaryang reclaimed area na sumasaklaw sa mga bahagi ng Laguna Lake sa Rizal at Laguna.

Aniya, magiging isang “blessing” kung makukumpiska ng pambansang pamahalaan ang hindi bababa sa 170 ektarya sa panig ng Taguig dahil itinuturing itong prime property — at mas malaking blessing kung makatutulong ito upang maibsan ang epekto sa ekolohiya ng ilegal na reclamation.

Binigyang-diin din ni Lacson na hindi dapat magtapos sa forfeiture pabor sa pambansang pamahalaan ang usapin at dapat magsampa ng mga kaso laban sa mga responsable.

“We should not stop at forfeiting illegally reclaimed (parts of the) lake. Managot ang dapat managot,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Lacson na maaaring nasayang ang hindi bababa sa P3.713 bilyong pondo ng bayan sa mga proyektong isinagawa sa mga bahagi ng Laguna Lake sa Taguig City na saklaw ng government action kaugnay ng “illegal” reclamation.

Hindi pa kabilang dito ang iba pang maanomalyang slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na sangkot sa double appropriations at “ghost” projects, dagdag niya.

Naipadala na rin nina Lacson at ng kanyang staff sa Ombudsman ang ilang ebidensyang nakalap nila sa ngayon hinggil sa illegal reclamation at mga infrastructure project sa Taguig City.#

By admin