Kung protektor ng human rights ang European Union, hindi nila dapat kinakanlong ang “white collar criminals” at hindi nila payagan na pagtaguan ng nakaw na yaman ang kanilang mga bansa.
Inihayag ito ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla kaugnay sa nakatakdang pagpunta niya tanggapan ng EU, na nakabase sa The Hague, Netherlands, para higpitan ang galaw ng mag-inang Loren Legarda at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa Europe.
Magtutungo rin siya sa France upang makipagpulong sa Financial Action Task Force (FATF), na nakabase sa Paris, bunsod ng ulat na nagtatago sa naturang bansa ang tatlong politiko.
Wala aniyang extradition treaty ang Pilipinas at France kaya ang FATF ang kakausapin nila dahil ito ang nagbibigay ng mga patakaran hinggil sa pagsugpo sa money laundering sa buong mundo.
Habang ang kanyang kapatid na si DILG Secretary Jonvic Remulla ay magpupunta sa headquarters ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa Lyon, France para naman sa muling pag-iisyu ng Red Notice laban kay Co.
Matatandaan na sina Legarda at Leviste ay lumipad palabas ng bansa sa magkahiwalay na eroplano noong Agosto 2, ilang araw matapos ipahayag ng Office of the Ombudsman na sinimulan na ang imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kasong plunder at graft laban sa mag-ina, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga exclusive franchise at kontrata para sa mga solar project ni Leviste na hindi naman natupad.
Habang sa ginanap na budget hearing ng Department of Energy (DOE)sa Kamara,ibinunyag ni Secretary Sharon Garin na hanggang ngayon ay P80 milyon pa lamang ang natatanggap ng pamahalaan mula sa P24 bilyong multa na ipinataw laban sa kompanya ni Leviste, ang Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI).
Ang parusa aniya ay kaugnay ng umano’y kabiguan ng SPPHI na maghatid ng kuryenteng nakasaad sa mahigit 30 kontrata nito sa gobyerno.
Dagdag pa ni Garin, nakapagsampa na ng kasong kriminal ang DOE sa Department of Justice (DOJ) at kasong sibil sa Office of the Solicitor General (OSG) upang mabawi ang kabuuang P24 bilyon. # (RRN)