Nagbabala ang ekonomista at IBON Foundation Executive Director Sonny Africa matapos maging kauna-unahang US$ trilyonaryo si Elon Musk at unang trilyonaryo sa Pilipinas si Enrique Razon Jr, na aniya ay “isang sikolohikal na palatandaan ng oligarkikong pamamayani.”
“The scale of concentration of wealth and political power is the worst it has ever been in the country’s history,” ani Africa, na nagsabing habang abala ang publiko sa bangayan sa Senado at sa nalalapit na paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, nananatiling matibay ang kontrol ng naghaharing uri.
Tinukoy ni Africa na ang yaman ni Razon, tinatayang ₱1.1 trilyon, ay katumbas ng pinagsamang net worth ng mahigit 10 milyong pinakamahihirap na pamilya, o higit 50 milyong Pilipino.
Ang karaniwang minimum wage earner aniya ay kailangang magtrabaho ng 7,679 taon, nang walang gastos o buwis, para makaipon ng ganoong halaga,” aniya.
Giit ni Africa, ang kayamanan ng mga bilyonaryo at trilyonaryo ay hindi lamang bunga ng “sipag at tiyaga” kundi nakasalalay sa paggawa ng daan-daang libong manggagawa, sa kapangyarihan ng pagbili ng milyun-milyong mamimili, at sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno, kontrata, konsesyon, at manipulasyon sa regulasyon. “Concentrated wealth begets concentrated power begets even more concentrated wealth,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya na tatlo sa limang pinakamayayamang oligarko sa bansa ay nasa likod ng NUP, NPC, at NP, ang tatlong pinakamalalaking partido politikal.
“No one should really think that any change in presidency in the 2028 elections from choosing among traditional political ranks will change ruling class domination,” babala ni Africa.
Sa kabila ng matinding agwat, iginiit ni Africa na ang pagkakaroon ng trilyonaryo ay patunay na posible ang disenteng trabaho, sapat na sahod, unibersal na edukasyon at kalusugan, at proteksyong panlipunan para sa lahat.
“The ‘scarcity’ that mainstream economics textbooks always start off with should look sillier than ever,” aniya. “Ang tunay na hadlang ay ang kontrol ng naghaharing uri sa yaman ng lipunan, at ang walang humpay na pagsupil sa mga taong lumalaban para sa tunay na progresibong politika at demokratikong ekonomiya.” # (RRN)