Nagbabala si IBON Foundation Executive Director Sonny Africa sa panayam sa One Balita sa One PH na posibleng dumoble ang inflation sa mga susunod na buwan, na magtutulak sa dalawa hanggang tatlong milyong pamilyang Pilipino sa ilalim ng linya ng kahirapan.
Aniya, kulang na kulang ang kita ng mga pamilya para sa batayang gastusin, kaya’t napipilitan silang magtipid at bawasan ang gastusin sa mga pangangailangan, pati ang pagkain, na lalo pang nagtutulak sa kanila sa kahirapan.
Binanggit ni Africa na mahigit 18 milyong pamilya na ang mahirap sa pagpasok ng taon, bago pa man magkaroon ng panlabas na gulo.
Giit niya, hindi sapat at panandalian lamang ang ayuda ng pamahalaan, at hindi ito nakakaabot sa lahat ng nangangailangan.
Hinamon din niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawiin ang pahayag na “normal naman ang sitwasyon, huwag mabahala, adjust naman tayong lahat,” dahil tanging mayayaman lamang ang may kakayahang mag-adjust, samantalang ang nakararaming Pilipino ay hirap na hirap na.
Partikular na tinukoy ni Africa ang sektor ng transportasyon.
Ayon sa kanya, 2.2 milyong transport workers ang apektado, kabilang ang 1.7 milyong tricycle drivers, 250,000 jeepney drivers, at 200,000 motorcycle drivers, delivery riders, UV Express at TNVS.
Sa jeepney drivers, umabot na sa ₱1,300 ang dagdag gastos sa krudo, na kumakain sa kanilang kita matapos ang boundary.
Ngunit ayon sa DSWD, 360,000 lamang sa kanila ang mabibigyan ng tulong, kaya’t higit 1.8 milyon ang maiiwan.
Dagdag pa ni Africa, apektado rin ang mga magsasaka at mangingisda, na nagreresulta sa mas mataas na presyo ng mga bilihin.
Aniya, ipinapasa ng gobyerno ang pasanin sa kapwa mahihirap, imbes na magpatupad ng mas makatarungang solusyon.
Muling iginiit ng IBON ang panukalang 1–3% buwis sa pinakamayayaman, lalo na’t pito sa 320 mambabatas ay bilyonaryo.# (ROSE NOVENARIO)