📷: Atty. Roderick Wamil, state auditor ng COA
ni Diego Morra
Kung sa Article 4 ng impeachment ni Sara Zimmerman Duterte Carpio ay naglubid na ng kagila-gilalas na teorya ang kanyang mga tagapagtanggol, na kesyo hindi raw siya nagbanta laban kay Ferdinand Marcos Jr. at kanyang maybahay at kay dating Speaker Ferdinand Martin Gutierrez at kung nabanggit man niya iyon, and kanyang tinuran ay protektado ng kalayaan sa pananalita.
Manapa, ayon kay Sheila Sison, sadyang lisya ang impeachment dahil ito ay taliwas sa ninanais ng 32-milyong Pilipino na bumoto kay Sara noong 2022. Nagkukubli pa si Sara ngayon sa kasabihang “vox populi, vox dei.” Nakalimutan nila na walang lisensya si Sara upang magbanta at lumabag sa napakahabang listahan ng batas na nagpaparusa sa pagbabanta, mangyari man ito o hindi, sapagkat mismong ang pagbabanta ang krimen. Hindi natin maintindihan na kung anu-anong palusot ang ginawa ng 16 na abogado ni Sara at paulit-ulit pang ipinakita ang mismong pagbabanta na pilit na minaliliit at sinasabing nagnyari lamang dahil sa panggigipit sa kanyang pinakamamahal ng chief of staff, si Atty. Zuleika Lopez.
Di sinabi na ang dahilan kung bakit inihawla sa Kongreso si Lopez ay ang kanyang pagsulat sa Commission on Audit (COA) na maglabas ng mga dokumento hinggil sa sinisyasat na ilegal na paglustay ng kabang-bayan. Maliwanag na ito ay contempt sa imbestigasyon ng Kongreso at nasa kapangyarihan ng mga mambabatas na pagbakasyunin muna si Lopez. Ngayong Agosto 3, muli na namang nadurog ang saliwang depensa tungkol sa paggasta ng diumano’y Confidential Fund (CF) ng Office of the Vice President (OVP.) Nang humarap ang testigong si Roderick Wamil, dating taga Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng COA na siyang tumingin sa CF ni Sara, sinabi niya na sa 11 taon niya sa COA, si Sara lamang ang bise presidente na nagkaroon ng sariling CF bukod pa sa nabiyayaan din siya ng CF sa Department of Education (DepEd.)
Napakahalaga ng detalyeng ito sapagkat kung walang CF and OVP sa General Appropriations Act noong 2022 si Sara, paano siya nagkaroon ng P125-milyon bilang “CF” noong Disyembre 2022. Matatandaan na hindi nakipagpulong si Sara kay Bise Presidente Leni Robredo hinggil mismo sa pananalapi ng OVP bago mag turnover. Ang siste rito ay hindi ang Executive Department ang nagtatakda at pumipirma sa budget ng OVP kundi ang Kongreso. Sinapawan ni Sara ang Kongreso dahil siya ang umugit ng sarili niyang batas at budget taliwas sa itinakda ng GAA 2022. Mismong Malakanyang ang nagsabi na walang CF si Sara at ang salaping kinuha niya sa Palasyo ay mula sa Contingent Fund at accountable si Sara hanggang sa huling sentimo ng P125-milyon.
Sa pagtatanong ni Lorna Patajo Kapunan, counsel ng prosecution panel, binanggit ni Wamil na walang mga supporting invoices, receipts at iba pang dokumentong magpapatunay na tunay na tao at tunay na medisina, pagkain at kung anu-ano pang mesa, upuan, laptop at iba pang gamit ang pinagkagastusan ng P125-milyong na CF mula Disyembre 21, 2022 hanggang Disyembre 31, 2022. Isang kahina-hinalang ginawa ni Sara ay ang paglalagay ng acknowledgment receipts (ARs) na may petsang Disyembre 2023 gayong ang saklaw ng audit ay hanggang Disyembre 2022 lamang. May kabuuang P25.6-milyong ang nagastos sa ARs na may petsang 2023 at P3-milyon naman ang naubos sa mga ARs na walang petsa.
Si Wamil ay nagbunyag din na ang mga ulat ni Sara ay walang lusot sa ICFAO at COA en banc dahil walang mga resibo, bokya ang mga invoices at hindi matukoy kung tunay na tao o multo ang mga “informants” ni Sara. Lahat ng ito ay paglabag sa itinatadhana ng Joint Circular 2015-01, na aprubado ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Governance Commission for GOCCs (GCG) at Department of National Defense (DND.) Sa circular na ito, ang CF ay magagamit lamang sa pagbili ng impormasyon upang makabuo at magpatupad ng “program, activities and projects relevant to the national security and peace and order; rental of transport vehicle related to confidential activities; rentals and the incidental expenses related to the maintenance of safehouses, and; purchase or rental of supplies, materials and equipment for confidential operations that cannot be done through regular procedures without compromising the information gathering activity concerned.”
Batay sa circular, ang CF ay maaaring ipambayad bilang pabuya sa mga “informers” (na kailangang hindi kawani ng ahensya) at kailangang umayon sa ganitong mga kondisyon: Ang pagbubulgar at pagpigil ng mga gawaing ilegal na may maliwanag at napipintong panganibsa ahensya at mga kawani nito, mga pasilidad at rekurso na nasa pangangalaga ng ahensya at isinasagawa nang may koordinasyon sa mga tagapagpatupad ng batas. Napakaliwanag ng sinasaad ni circular na tahasang isinaisang-tabi ni Sara. Subalit hindi rin maintindihan ng COA kung bakit gumastos si Sara ng P40 milyon para sa mga gamot ar pagkain at P10-milyon sa pamahase at iba pang gastos sa transportasyon.
Kung sa unang bugso ng mga taga-usig sa Article 1 ay hindi na maipaliwanag ng mga magigiting na abogado ni Sara kung bakit puro “chichirya” ang pangalan ng mga “informers” niya at kung bakit nilabag niya ang mga probisyon ng circular, paano pa siya lulusot? Balikan natin si Hannah Arendt na may mahabang karanasan sa mga pasista at Nazi at nagbabala na “truth is hated by tyrants who rightly fear the competition of a coercive force they cannot monopolize.” Tyrants and authoritarians, she stressed, invent lies to meet the requirements of the day. The worst thing that could happen, Arendt warned, is when people think the distinction between true and false, fact and fiction, no longer exists.#