Thu. Mar 19th, 2026

Bumagsak ang piso sa bagong rekord na P60.1:$1 nitong Huwebes, ang unang pagkakataon na lumampas ito sa P60 kada dolyar, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Bumaba ang lokal na pera ng 58 sentimos mula sa nakaraang araw, lampas sa dating pinakamababang P59.87:$1 noong Marso 16, 2026.

Tumaas ng halos 5% ang benchmark Brent crude sa higit $108 kada bariles matapos tamaan ang Pars gas field ng Iran, ang bahagi nito sa pinakamalaking natural gas deposit na pinaghahati nila ng Qatar, noong Miyerkules.

Nagbabala ang Tehran na ang mga pasilidad ng langis at gas sa Saudi Arabia, UAE, at Qatar ay “direktang lehitimong target” at dapat agad na lisanin.

Nagbabala ang mga ekonomista na ang patuloy na mataas na presyo ng krudo ay maaaring magpasiklab ng mas mataas na inflation at pabagalin ang paglago ng ekonomiya.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), maaaring lumampas sa 7% ang inflation kung magtatagal ang sigalot.

Pinag-aaralan ng pamahalaan ang suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo, na maaaring magpababa ng presyo ng gasolina ng P10 kada litro at P6 kada litro para sa diesel.

Ayon kay Renato Reyes Jr., pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), hindi dapat magdiwang sa inaasahang pagtaas ng halaga ng dolyar remittances at export earnings.

“Import-dependent at debt-driven ang ekonomiya ng Pilipinas. Dahil dito, magmamahal ang peso equivalent ng mga imported na produkto, kasama ang langis at consumer goods. Yung inutang natin na dolyar, mas malaki na rin ang magiging halaga sa piso. Walang kawala sa krisis sa isang malakolonyal at malapyudal na sistema,” aniya. # (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *