HINATULAN ng hukuman na guilty ang sampung miyembro ng Aegis Juris fraternity sa kasong pagpatay kay Horacio “Atio” Castillo III sa hazing noong 2017 at pinatawan ng reclusion perptua o pagkabilanggo ng hanggang 40 taon.
Si Atio,22, freshman law student ng University of Santo Tomas (UST), ay idineklarang dead on arrival nang dalhin sa Chinese General Hospital matapos na sumalang sa initiation rites ng Aegis Juris fraternity noong Setyembre 2017.
Napatunayan ng Manila Regional Trial Court Branch 11 na “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995, sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr.
Pinagbabayad ng korte ang convicts sa mga naulila ni Atio ng P461,800 para sa actual expenses, P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, at P75,000 bilang exemplary damages.
“All the amounts shall earn interest at the rate of 6% per annum upon finality of the decision until fully paid,” ayon sa korte.
Nakapiit ang 10 fratment sa Manila City Jail mula pa noong May 2018. (ZIA LUNA)