📷Dr. Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC
“KITANG-KITA na itong si Dr. Badoy ay hindi umaastang doktor kundi utak-pulbura na kumikitil ng buhay na hindi isinasaalang-alang ang karapatang pantao.”
Pahayag ito ni Albert Pascual ng Health Alliance for Democracy (HEAD) sa isinagawang pagkilos sa harap ng Quezon City Hall of Justice kasabay ng pagdinig sa kasong isinampa ni Dr. Carol Araullo hinggil sa pag-red-tagged sa kanya ni Dr. Lorraine Badoy.
“Ang dapat itong si Dr. Badoy ay managot. Duguan ang kanyang kamay dahil sa kanyang pagre-redtag. Napakarami ang namatay nating mga kababayan , mga aktibista na nagtatanggol para sa batayang karapatan ng mga mamamayang Pilipino,” giit ni Pascual.
Kompara aniya kay Badoy, napakahaba na ng kasaysayan na inilaan ni Dr. Araullo para pagsilbihan ang mga Pinoy na nagkakasakit, lalong-lalo na sa kanayunan.
Napakarami rin aniyang mabubuti at mahuhusay na panukala si Dr. Araullo para pagbutihin ang kalusugan ng mga maralita sa iba’t ibang bahagi ng bansa para solusyonan ang bumabagsak na sistemang pagkalusugan.
“Ramdam po natin ngayon ang napakalalim na problemang kinakaharap ng ating mga kababayan na nagkakasakit. Marami po ang namamatay na hindi natitingnan ng doktor,” paliwanag ni Pascual.
“Napakarami na po ang ipinahamak ng doktor na ito, si Dr. Badoy.Isang doktor po pero hindi ang kanyang hangad ay ay kaligtasan ng mamamayan. Ang kanyang ipinapanawagan kundi ang pagkitil ng buhay ng kanyang mga nire-redtagged kaya kami mula sa sektor pangkalusugan ay 100% po na sumusuporta kay Dr. Carol Araullo,” dagdag ni Pascual.
Panawagan ng HEAD sa lahat ng mga hukuman na may kaso si Badoy kaugnay sa red-tagging, i-convict siya .
Habang ang apela ng grupo sa Professional Regulatory Commission (PRC), tanggalan ng lisensya si Badoy.
“Kaya kami sa sektor pangkalusugan ipinapanawagan sa lahat ng korte na humahawak sa kaso, dapat po ay i-convict na itong si Dr. Badoy dahil siya ay isang red-tagger at dapat magkaroon ng hustisya ang lahat ng kanyang biktima ng paglabag sa karapatang pantao,” wika ni Pascual.
“At sa kabuuan, ang terorismo ng estado nakababahala sa kasalukuyan dahil sa kanilang programang whole of nation approach , ginagamit ang lahat ng ahensya ng gobyerno para supilin ang karapatag pantao. Ginagamit ang institusyon ng gobyerno para sikilin ang malayang pamamahayag ng mamamayang Pilipino. Napakaraming problema. Napakarami ang naghihirap. Natural lamang na manawagan ang bayan para sa isang makabuluhang pagbabago. Nakikibahagi ang HEAD at sektor pangkalusugan sa lahat ng organisasyon na nagnanais na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.” (ROSE NOVENARIO)