Naglabas ng subpoenas ang National Bureau of Investigation (NBI) para kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating kongresista Jacinto “Jing” Paras kaugnay ng umano’y destabilization plot laban sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na lumitaw sa gitna ng human trafficking operation.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa entrapment operation sa isang five-star hotel sa Maynila, kung saan naaresto ng mga ahente ang isang talent manager na umano’y nag-aalok ng kababaihan para sa sexual services na umaabot sa ₱250,000 bawat isa. Ayon sa NBI, may ilang kliyente umano mula sa pamahalaan.
NBI Director Atty. Melvin Matibag sinabi na lumabas sa imbestigasyon ang plano para sa “character assassination” laban sa mga opisyal.
“Habang iniimbestigahan namin sila, doon lumabas na hindi lang pala si Executive Secretary ang target,” aniya.
Isa sa mga nailigtas na biktima ang nagbigay ng pahayag na nag-uugnay kay Paras at Leviste, na umano’y magpopondo sa operasyon.
“Kailangan silang magbigay-linaw sa mga lumabas sa pahayag ng mga iniimbestigahan. Mahirap naman kung sa social media lang itatanggi ang mga alegasyon,” dagdag ni Matibag.# (ROSE NOVENARIO)
