Tue. Sep 15th, 2026

Kung nakakatakot — o nakakayanig — sa mga kurakot ang kanyang anti-corruption crusade, nangangahulugan lamang umano ito na may tama at mabuting ginagawa para sa bansa si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson.

Idiniin ito ni Lacson nitong Martes matapos sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na may mga miyembro ng minority bloc sa Senado na nakakatanggap umano ng mga banta.

“If my fight against corruption intimidates the corrupt, I must be doing something right and good for the country,” aniya sa isang post sa kanyang X account.

Noong Lunes, sinabi ni Cayetano na “obvious” umano kung sino ang nasa likod ng mga banta laban sa mga miyembro ng minority bloc.

Binanggit ni Cayetano ang umano’y pahayag ni Lacson na dapat matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre. Wala namang ganoong pahayag si Lacson.

Pormal na nagsumite si Lacson at ang kanyang staff sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na suportado ng mga opisyal na dokumento at naglalahad ng tinawag nilang “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project.

Kasalukuyang nagsasagawa ang Office of the Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyong may kinalaman sa mga proyekto sa Taguig.

Bukod dito, nagsumite rin si Lacson at ang kanyang team sa Ombudsman ng ilang ebidensyang nakalap nila kaugnay ng mga umano’y illegal reclamation at infrastructure project sa Taguig City.

Noong Linggo, sinabi ni Lacson na batay sa takbo ng fact-finding investigation ng Ombudsman, hindi na siya magugulat kung makapagsampa ito ng mga kaso laban sa mga sangkot bago matapos ang taon.#

By admin