Dapat itama ni Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte-Carpio, ang kanyang pahayag na “sinayang” ng Senado ang P500 milyon sa loob ng 20 araw na tinalakay nito ang dalawang artikulo sa impeachment trial ng Bise Presidente, ayon kay Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.
Ani Lacson, maaaring “honest mistake” ang pagtantiya ni Panelo na nasayang ang P500 milyon, sabay giit na ang P25 milyong araw-araw na gastos ay tumutukoy sa regular na operasyon ng Senado bilang legislative body, at hindi sa gastos sa impeachment proceedings.
“Where did he get his P25M/day figure? As far as I know, the GAA 2025 budget for the impeachment trial, most of which has remained unspent (only roughly P2 million was disbursed for the judges’ robes and other items) from the original P27.5 million is now being used under the ‘continuing appropriations’ provision in the General Appropriations Act,” ani Lacson.
“The P25M per day clearly refers to the legislative functions of the Senate, not to the impeachment trial as misinterpreted, and the basis was the Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) and Personnel Services (PS) for one year which I computed on a per-day basis when the Cayetano-led boycott resulted in zero-legislation output due to lack of quorum after his ouster as Senate President,” dagdag niya.
“I urge the VP’s spokesman to rectify an obviously misleading figure of P500 million, as I assume it was an honest mistake on his part,” diin ni Lacson.
Noong Miyerkules, iginiit ni Panelo na gumastos ang Senado ng P500 milyon mula sa pera ng taumbayan sa loob ng 20 araw ng paglilitis na inilaan sa Articles I at IV ng Articles of Impeachment, na kalauna’y binawi ng prosekusyon. Katumbas umano ito ng humigit-kumulang P25 milyon kada araw.
Dahil dito, nanawagan siya ng “outrage” ng publiko dahil sa paggamit ng pondo ng taumbayan.
Idiniin ni Lacson na naglaan ang 2025 General Appropriations Act (GAA) ng P27.5 milyon partikular para sa impeachment proceedings. Saklaw ang pondong ito ng “continuing appropriations” na maaaring obligahin hanggang Disyembre 2026.
Noong Hunyo, binanggit din ni Lacson ang P25 milyong araw-araw na operating cost ng Senado sa pagpuna niya sa 28-araw na pamumuno ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate president.
Ayon kay Lacson, umabot sa P700 milyon ang perang ginastos sa loob ng panahong iyon nang kakaunti ang maipakitang resulta ang Senado bilang legislative body.
Kabilang sa mga hindi magandang pangyayari sa loob ng 28 araw na iyon ang pamamaril sa loob ng Senado dalawang araw matapos maging Senate president si Cayetano, at ang pagtakas ni Sen. Ronald dela Rosa habang nasa ilalim ng “protective custody” ng Senado.
Kabilang din sa mga ito ang pagboykot sa mga sesyon ng bloc na pinamunuan ni Cayetano. Naging bagong minorya ang bloc matapos sumama si Sen. Francis Escudero sa bagong mayorya, na nakabuo ng quorum at nagbigay-daan sa pagkakahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang acting Senate president noong Hunyo 3. Nagkaroon din umano ng bigong tangkang destabilisasyon at mga pekeng pagdinig ng komite.#
*****