Ipinahayag ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi na obligadong magharap ng ebidensya ang depensa kaugnay ng tatlong artikulong binawi ng prosekusyon, matapos pormal na tanggapin ng hukuman ang kanilang manifestation kaugnay sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Opisyal nang inalis sa paglilitis ang Artikulo 1, 3, at 4 at ang Artikulo 2 o hinggil sa unexplained wealth ang natira na magiging basehan sa pag-convict o pag-acquit kay VP Sara.
Nilinaw ni Presiding Officer Escudero na ang Artikulo 3 ay itinuturing na binawi nang walang pinsala sa panig ng nasasakdal, dahil nabigo ang prosekusyon na magharap o magbigay ng anumang ebidensya para sa naturang paratang.
Binigyang-diin niya na ang pag-urong sa Artikulo 3 ay limitado lamang sa kasalukuyang paglilitis.
Sa ilalim ng naturang pasya, ang Artikulo 1, 3, at 4 ay hindi na isasama sa pagbobotohan ng senator-judges.
Dahil dito, wala ng obligasyon ang depensa na magpresenta ng ebidensya para sa mga nasabing kaso, at hindi na rin sakop ng sub judice rule ang mga binawing artikulo. #