Sun. Mar 15th, 2026

By Renato Reyes Jr. | President, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

 

Sa kanyang presscon kahapon, itinanggi ni House Appropriations Committee Chair Mika Suansing na may “pork barrel” sa General Appropriations Bill. Ayon sa kanya, wala nang “post-enactment intervention” o pakikialam sa budget matapos itong maipasa. Pero madaya ang pahayag na ito. Ang tinutukoy niya ay ang dating PDAF o porma ng congressional pork barrel na idineklara na ng Korte Suprema bilang labag sa Konstitusyon. Totoo, wala na iyon — pero may bagong anyo pa rin ng pork sa pamamagitan ng tinatawag na “congressional allocations” sa loob ng National Expenditure Program.

Ilang oras matapos ang presscon, sa pagdinig ng Senate Finance Committee tungkol sa budget ng DPWH, tinanong ni Sen. Loren Legarda kung ano ang ibig sabihin ng salitang “allocable.” Sagot ni Vince Dizon, hindi raw niya alam o naiintindihan ito.

Pagkatapos, may isang Usec na nagsabi na ang “allocable” daw ay tumutukoy sa “ceiling” o maximum na halaga ng mga proyekto sa bawat distrito. Ginagamit daw dito ang “komplikadong formula” batay sa populasyon, lawak ng lupa, at ekonomiya. Pero talaga bang gano’n?

Ayon sa mga insiders ng Kongreso, ang “allocable” ay tumutukoy sa halagang inilaan para sa bawat kongresista sa pamamagitan ng district engineering offices ng DPWH — ito ang limitasyon o “ceiling” ng kanilang pork barrel. Maaring iba-ibahin ang klase ng mga proyekto (kalsada, building, tulay) basta pasok sa “budget ceiling”.

Makikita sa mga listahan ng proyekto sa bawat distrito na halos pare-pareho ang halaga ng mga “allocable” projects saan man ito gagawin sa bansa, na para bang pantay-pantay na hinati ang pondo sa bawat mambabatas.

Ito ang bagong bersyon ng pork barrel na nakaligtas at nakaiwas sa pagbabawal ng Korte Suprema sa PDAF.

At itong sistema ng pork barrel ang isang pinagmumulan ng korapsyon. Hangga’t may “allocations” o “allocables” ang mga mambabatas, kaya pa rin nilang magtukoy ng proyekto, impluwensiyahan ang bidding, at humingi ng kickback sa mga kontraktor.

Ang mga “allocable” na ito ay nasa loob pa rin ng budget ng DPWH. Sa kabila ng mga pahayag ng Malacañang laban sa korapsyon, hindi nito tinanggal ang sistemang ito dahil ito ang ginagamit para masiguro ang pagsunod ng Kongreso sa Malacanang. Hindi maaaring magkunwari si Vince Dizon na hindi niya alam ang tungkol sa “allocables.” Siya ang nagre-submit ng DPWH budget sa Kongreso.

Kung gusto talaga nating labanan ang korapsyon, dapat nang buwagin ang sistemang ito ng “allocations” o “allocables.” Wala man sa diksyunaryo ang salitang ito, tiyak natin na umiiral ito sa Kongreso at DPWH.

Ang “allocables” ay pork barrel, at ang pork at patronage sa Kongreso ay haligi ng katiwalian sa gobyerno, ng burukrata kapitalismo. Wakasan na ang korapsyong ito.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *