Fri. Nov 22nd, 2024

TINIYAK ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kakasuhan ang mga kaklase ng puganteng dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag mula sa Philippine National Police Academy (PNP) Class 1996 dahil sa pagkakanlong sa kanya.

Sinabi ni Remulla na ang mga nasa kapangyarihan sa kasalukuyan o humahawak ng matataas na posisyon sa Philippine National Police (PNP) na mga kaklase ni Bantag at ilang politiko ang nagbibigay proteksyon sa dating BuCor chief kaya hindi siya nadarakip ng mga awtoridad.

Si Bantag ang itinurong mastermind sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

“We’d have feelers about his supposed wanting to surrender,” ani Remulla sa panayam sa ANC.

“But we basically know where he is. It’s just that he is being protected by his classmates in the PNPA Class of 1996 who are now in power and some politicians are practically protecting him. And we will get to him soon,” dagdag niya.

Iniulat kamakailan ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa na tinawagan siya ng isang prosecutor mula sa DOJ upang ipaalam sa kanya na pumayag nang tumestigo si Christopher Bacoto, ang middleman na naghanap ng taong magtutumba kay Percy.

Si Bacoto ay isang person deprived of liberty (PDL) na nakadetine sa Bicutan, Taguig City bunsod ng iba’t ibang kaso gaya ng drug trafficking.

“A PROSECUTOR from the Department of Justice (DOJ) called to inform me that Christopher Bacoto, the so-called middleman who allegedly sought the gunman to kill broadcaster Percy Lapid, had agreed to testify. Bacoto, who is currently behind bars for a string of crimes, including drug trafficking, appears ready to spill the beans. The case against Gerald Bantag is almost airtight—if only the authorities could manage to catch him alive and well. #JusticeForPercyLapid,’ ani Mabasa sa kanyang paskil sa Facebook.

Si Bacoto ang inginuso ni convicted gunman Joel Escorial na isa sa kumontak sa kanya para patayin si Percy at binigyan niya ng P70,000 bilang parte  sa ibinayad sa kanyang P550,000 matapos niyang paslangin ang  broadcaster.

Halos dalawang taon mula tambangan si Percy, tatlong suspek na sa krimen ang nawala sa mundo.

Una ay si Jun Villamor, isang PDL na middleman din sa krimen, na “sinupot” hanggang mamatay ng mga kapwa niya bilanggo sa utos umano ni Ricardo Zulueta, deputy ni Bantag at akusado rin bilang isa sa mastermind.

Noong nakalipas na Mayo, napaulat na nasawi sanhi ng heart attack si Zulueta habang nagtatago sa Hermosa, Bataan.

Habang noong nakaraang buwan, inihayag ni National Capital Region Police Director Jose Nartatez Jr. sa GMA News na nagpakamatay  matapos i-hostage ang kanyang mag-ina si Jake Mendoza a.k.a. Orly, ang itinurong nagmaneho ng motorsiklo na angkas si Escorial nang isagawa ang pag-ambush kay Percy noong 3 Oktubre 2022 sa Las Pinas City. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *