MAY naganap umanong mass courtesy resignation sa hanay ng matataas na opisyal ng Presidential Communications Office (PCO).
Nangyari raw ito bago italaga bilang bagong Communications Secretary si Cesar Chavez, kapalit ni Cheloy Garafil.
Batay sa source ng Balitang Klik, sa 15 matataas na opisyal ng PCO, 3 undersecretary at 12 assistant secretary, isa lang sa kanila ang natira.
Sa tatlong undersecretary, tanging si Undersecretary for Digital Media Services Emerald Anne Ridao lamang ang natira at hindi tinanggap ang courtesy resignation.
Ibig sabihin,”goodbye’ na umano sa kani-kanilang posisyon sina Undersecretary for Operations, Administration, Finance and GOCC Cherbet Karen Maralit, at Undersecretary for Content Production Gerald Baria.
Habang ang mga Assistant Secretary na sina Dale De Vera, Rowena Otida, Michel Andre P. Del Rosario, Patricia Kayle S. Martin, Mary Berlyn T. Reontare, Francisco P. Rodriguez III, Atty. Katrina Grace C. Ongoco, Atty. Evangeline Q. De Leon, at Atty. Jefferson G. Ang, ay wala na rin umano sa kani-kanilang puwesto.
Habang si Dindo Amparo, dating reporter ng ABS-CBN, ang umano’y papalit kay Rizal “Bong” Aportadera bilang pinuno ng Philippine Broadcasting Service-Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS), isang attached agency ng PCO.
Hindi pa tiyak kung ililipat lamang sa ibang mga posisyon, bilang balasahan sa kagawaran, ang mga nasabing opisyal, ayon sa source.
Ito na ang ikatlong ‘balasahan’ sa PCO mula magsimula ang administrasyong Marcos Jr. noong 2022
Ang unang press secretary na si Trixie Cruz-Angeles ay tatlong buwan lamang nanatili sa puwesto habang ang iba pang mga undersecretary, assistant secretary at mga PCO attached agency chief ay ilang beses na rin nawala sa posisyon matapos tanggapin ang ipinasumite sa kanilang courtesy resignation.
“Nagiging kalakaran sa Marcos Jr. admin na idaan ang pagsibak sa courtesy resignation o kaya’y magugulat na lang ang opisyal na may itinalaga nang kapalit niya ang Malakanyang. Pero in fairness, may mga malapit sa mga Marcos na tinamaan din ng ‘palakol’,” sabi ng source. (ROSE NOVENARIO)