Wed. Mar 25th, 2026

Nahaharap ngayon sa mabigat na reklamo si Police Brig. Gen. Jessie B. Tamayao, hepe ng Philippine National Police Highway Patrol Group (HPG), matapos magsampa ng administratibong kaso laban sa kanya ang isang babaeng pulis nitong Martes, ayon sa press release ng National Police Commission (NAPOLCOM).

Batay sa limang pahinang sinumpaang salaysay na inihain sa NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS), idinetalye ng complainant ang umano’y pang-aabuso ni Tamayao.

“Nagpatulong ako sa NAPOLCOM para mabigyang hustisya ang pang-aabuso sa akin ni PBGEN Jessie B. Tamayao, at pang-aabuso niya sa posisyon niya,” anang pulis na nagsampa ng reklamo.

Hiniling ng complainant ang pagpapatalsik kay Tamayao dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 7877 o Anti-Sexual Harassment Act of 1995, at Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act of 2012.

Ayon sa salaysay, inanyayahan umano siya ng opisyal na makipagtalik, sabay paghipo sa kanyang puwitan.

Dagdag pa niya, sinamahan ang mga kilos at pahayag ng pananakot at pagbabanta, kabilang ang posibilidad na ma-reassign siya sa Mindanao kung tatanggi.

Inireklamo rin ng pulis na sinilip ni Tamayao ang kanyang cellphone nang walang pahintulot, binasa ang mga mensahe, at kumuha ng larawan mula sa kanyang gallery, Messenger, at Viber accounts.

Banta pa umano ng opisyal na gagamitin ang mga ito laban sa kanya kung isusumbong niya ang insidente sa dating HPG Director PBGEN Hansel Marantan.

“Sana ay maging aral sa mga tulad niyang nag-aabuso sa mga kababaihan, na hindi lahat ng babae ay magpapadala sa takot. Na merong maninindigan para sa karapatan ng mga kababaihan, ano man ang estado nila sa buhay at sa lipunan. Na walang lalake o kahit sino ang pwedeng umabuso sa amin. Na hindi porke hiwalay kami sa asawa ay pwede kaming bastusin,” giit ng complainant. # (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *