Fri. Nov 22nd, 2024

HIHILINGIN ni Bayan Muna Chairperson at human rights lawyer Neri Colmenares sa House Quad Committee na ipa-subpoena ang drug list ng administrasyong Duterte upang maging dagdag na ebidensya sa pagkadawit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa malawakang patayan sa ipinatupad niyang madugong drug war.

Naniniwala si Colmenares na marami sa napatay sa Duterte drug war ay kasama sa drug list.

“In fact, if I may request the quad committee na sana i-subpoena na yang drug list na yan kasi dapat makuha yan eh,” sabi niya sa panayam sa Bilyonaryo channel.

“Kung makuha yan, I’m very sure marami sa namatay ang pangalan ay andun at it will add more evidence na si President Duterte is involved in extrajudicial killings,” dagdag ni Colmenares.

Kahit naging kontrobersyal at panganib sa buhay ng maraming tao, wala aniyang nakakita pa sa  drug list.

“So, sana ma-subpoena na yang drug list na famous na yan para matapos na  yan. Hanggang ngayon nobody has really seen that, but it’s been threats to the lives of many,” anang human rights lawyer.

Pattern of evidence sa EJKs

Nakapag-establish na ang human rights lawyers ng pattern of evidence sa naganap na malawakang patayan noong administrasyong Duterte, ayon kay Colmenares.

“Other than that yung katulad nila Mayor Mabilog na nag-testify ng public vilification, very important yun kasi kami na human rights lawyers, may na-establish na kaming pattern of evidence dyan sa extrajudicial killings.”

Una aniya ay sisiraan sa publiko  ni Duterte ang biktima tulad ni Mabilog, mga drug suspects at mga aktibista.

“The first is the public vilification of the victim like Mayor Mabilog at maraming mga aktibista, drugs suspects. Publicly bini-vilify sila ni President Duterte ,” aniya.

Ang pangalawang pattern ay ang pagkagarapal o kawalan ng takot ng mga kriminal sa mga awtoridad sa paggawa ng krimen kahit tirik ang araw o malapit sa istasyon ng pulisya.

“Yung second pattern of evidence is the blatant impunity in which the crime is committed. It is usually committed in broad daylight or public plaza, maraming witness or near police station were the perpetrators were never afraid at all to be accosted by the police,” anang human rights lawyer.

Ang pangatlong pattern ay ang kawalan ng interes ng mga awtoridad na imbestigahan ang kaso.

“And third, complete lack of interest to investigate the case.”

Kombinsido si Colmenares na magiging matibay na ebidensya laban kay Duterte ang testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa International Criminal Court (ICC) dahil maliban sa kabilang ang dating alkalde sa Duterte drug list, kinilala ng Amerika ang mga pagbabanta sa kanyang buhay ng dating pangulo kaya pinagkalooban siya ng asylum status sa US.

“So basically the testimony of Mayor Mabilog, lalo na in-affirm ito ng US by granting him asylum, may affirmation ang US na ‘yung threats ni Pres. Duterte publicly could in fact endanger the lives and security of persons he threatened that’s why doon sa extrajudicial killings ng drug suspects, of course the activists na namatay rin during his term,”  paliwanag ni Colmenares.

Maliban aniya sa salaysay ni Mabilog, marami na rin testimonya sa quad comm na maaaring maisumite sa ICC para mas mapabilis ang pag-isyu ng arrest warrant sa mga akusado, kabilang si Duterte, na inaasahang magaganap bago matapos ang 2024.

“I think, if I am allowed to predict, it will happen before the end of this year kung titingnan but of course we don’t know kasi yung ICC hindi naman nila sinasabi. Ang nakita ko lang mas lalong lumakas ang ebidensya dahil sa testimonies ngayon ng mga victims, ng mga pulis doon sa drug war ni President Duterte,” sabi ni Colmenares.

Sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte ay tila naging libangan ng dating pangulo na magbasa ng pangalan sa hawak niyang drug list o kaya’y bansagan ang ilang personalidad na sangkot sa illegal drugs.

May ilang pagkakataon di na inakusahan niya ang ilang politiko o kanyang mga kritiko na miyembro o nakakiling sa komunistang grupo kahit walang pinanghahawakang matibay na ebidensya . (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *