BINATIKOS ng human rights group na Karapatan ang nakabibinging katahimikan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga awtoridad ng estado sa harap ng nagdudumilat na indikasyon na ang mga ahente ng estado ang nasa likod ng pagdukot kina James Jazmines at Felix Salaveria Jr. sa Tabaco City, Albay noong nakaraang buwan.
“The tell-tale signs of state involvement in the abductions of Jazmines and Salaveria are there,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
“The state’s silence contravenes Republic Act No. 10353, or the law against enforced disappearance that has been in existence since 2012,” dagdag niya.
Sinabi ni Palabay, batay sa nakalap na CCTV footages ng isinagawang search mission noong Setyembre 11-13, 2024 sa Albay, kitang kita ang ginawang pagdukot ng mga lalaking nakasuot ng sibilyang damit kay Felix Salaveria Jr. malapit sa kanyang bahay sa Barangay Cobo, Tabaco City, Albay noong umaga ng 28 Agosto 2024.
Nakita rin ng mga testigo aniya na dalawang beses na may mga unipormadong pulis na pumasok sa inuupahang bahay ni Salaveria at tinangay ang kanyang mga personal na gamit gaya ng cellphones at laptop.
Malinaw rin na nakita sa footages ang plate number ng sasakyan na ginamit ng mga suspek.
Kombinsido si Palabay na organisado ang naturang operasyon at ginawa ito habang tirik ang araw, ay mga indikasyon na walang kinatatakutan ang mga kriminal.
Ang pagdukot kina Jazmines at Salaveria ay pareho ng pattern ng mga kaso ng pagdukot na ang sangkot ay mga ahente ng estado.
Kaduda-duda aniya na kahit nawawala pa ang dalawang biktima, walang kumikilos mula sa mga awtoridad ng estado para imbestigahan ito at ni isang opisyal ng gobyerno ay hindi kumikibo.
Paliwanag ni Palabay, alinsunod sa Republic Act 10353, “state security forces are required to issue certifications on the whereabouts of a missing person.”
Kailangan din sabihin ang mga lokasyon ng lahat ng bilangguan at payagan na mag-inspeksyon ang Commission on Human Rights (CHR).
May parusang habambuhay na pagkabilanggo kapag napatunayan na ahente ng estado ang responsable sa enforced disappearance.
“Due to the prevailing culture of impunity, however, RA 10353 has failed to act as a deterrent against enforced disappearances, a crime that is on the rise under the Marcos Jr. regime,” sabi ni Palabay.
“Three abductions occurred in the month of August alone—those of Jazmines, Salaveria and former political prisoner Rowena Dasig who disappeared right after she was acquitted of trumped-up charges,” dagdag niya.
Umabot na sa 15 ang biktima ng sapilitang pagkawala mula maluklok sa Malakanyang si Marcos Jr. noong Hunyo 30, 2022.
Hinimok ng Karapatan ang CHR na magsagawa ng mga kaukulang hakbang upang matiyak ang masusing imbestigasyon sa pagdukot kina Jazmines at Salaveria at umaasang magbibigay daan ito sa kanilang paglutang.
“Those responsible must be prosecuted and punished to the full extent of the law, and justice rendered to the victims and their families,” wika ni Palabay. (ROSE NOVENARIO)