Wed. Oct 14th, 2026

Nakapagtataka ang mabilis na reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa isyu nang nasabat na Philippine-bound drug shipments sa Laos at Thailand gayong sa sunud-sunod na daan-daang milyong halaga ng illegal drugs na nahuli ng sa NAIA at Clark ay tikom ang bibig ng bise president, sabi ni Palace Press Officer Claire Castro.

Ayon kay VP Sara, nakakahiya sa mga kapitbahay sa ASEAN ang nakompiskang droga sa Laos at Thailand na patungo sana sa Pilipinas.

“Medyo ito ay nakakapagtaka na sa lahat-lahat po nang nai-intercept na mga iligal na droga ay ito ang tanging … bukod tangi – kung mayroon akong maling nasabi, ako ay inyong ikorek – pero parang ito ang bukod tanging napakabilis na mag-react ng Bise Presidente,” sabi ni Castro sa press briefing sa Palasyo.

“Sa ngayon, nakita natin kung paano ipahid sa ibang tao itong diumanong pag-aangkat ng ilegal na droga pero kahapon lamang ay nag-ulat ang PDEA na ito pala ay papunta sa Mindanao at ang involved dito ay ang Golden Triangle. At sa ating pagsusuri at naitanong, ito bang Golden Triangle ang ibang miyembro ba dito ay may tattoo na dragon?” dagdag ni Castro.

Sinabi aniya na alam na ng PDEA na papunta sa Pilipinas, particular sa Mindanao ang illegal drugs na nakompsika sa Laos at Thailand.

Giit ni Castro, taliwas sa pahayag ni VP Sara, ang nakakahiya ay ang nahuling bilyun-bilyong halaga ng shabu sa magnetic lifter noong 2018 ang sabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ispekulasyon lamang kahit inihayag ni noo’y Customs Commissioner Isidro Lapeña na totoo ang isyu.

“Nasaan na kaya ang missing shabu na ito? Ito po ay panahon ni dating Pangulong Duterte,” wika ni Castro habang ipinakikita ang news clipping sa usapin. # (ROSE NOVENARIO)

By Web Dev