Binatikos ng grupong Migrante International ang pagmamaliit sa umiigting na giyera sa rehiyon matapos ang magkasunod na pag-atake sa dalawang international airport sa Saudi Arabia noong Linggo na ikinasugat ng apat na Pinoy, dalawa sa kanila’y OFWs na nagtatrabaho sa Paliparan.
“Inutil talaga ang Marcos government pagdating sa pag protekta sa ating mga OFWs. Hindi katanggap- tanggap na minamaliit ni BBM ang gera sa Gitnang Silangan. Nag pa press conference ang DMW nitong Lunes pero walang binanggit na malinaw at komprehensibong plano para organisado at mabilis na mailigtas ang mga sapilitang uuwi dahil mapanganib na o tinanggalan sila ng kabuhayan. Walang malinaw na plano para mabigyan sila ng katiyakan na trabaho sa Pilipinas” pahayag ni Josie Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante International.
Tinuligsa rin ng Migrante ang pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac na ligtas pa rin sa Saudi Arabia.
“Nagbubulagbulagan lang ba sa kasalukuyang kalagayan sa mundo o wala talagang pakialam ang gobyerno kung dumami ang bilang ng mga mamamatay, masusugatan at mawawalan ng kabuhayan? Sa hanay pa lang ng mga marinong Pinoy, pito na ang namatay. May banta ng pag igting ng mga atake pero business as usual pa din. Hanggang paglalabas lang ng advisory na umiwas ang mga OFWs sa mga lugar na posibleng maging target. Paano iiwas kung mga lugar ito ng kanilang trabaho?” giit ni Pingkian.
Naglabas ng pahayag ang grupong Houthi ng Yemen na nag-aangkin sa mga pag-atake gamit ang missile ay tugon sa kamakailang pag-atake ng Saudi Arabia sa paliparan ng Sana’a sa Yemen.
Ayon sa Houthi, ang Saudi Arabia at ang mga alyado nito ay nagsagawa ng mga militar na airstrike sa nakalipas na anim na linggo na pumatay sa 91 Yemeni at sumugat sa 168, kung saan 60% sa kanila ay mga kababaihan at bata.
Idineklara ng grupo na “darating pa ang pinakamalala” kung ipagpapatuloy ng Saudi Arabia ang mga aksyong militar nito sa Yemen, at naglabas ng babala sa mga airline, empleyado, manlalakbay, at manggagawa laban sa paggamit ng paliparan at airspace ng Saudi.
Kinondena ng Migrante ang malinaw na kapabayaan at kawalan ng mapagpasyang plano ng aksyon ng gobyerno ng Pilipinas, na nagsasabing nagbabanta ito sa kaligtasan at buhay ng halos 3 milyong migranteng manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa rehiyon.
“Malinaw na handang isugal ng gobyerno ni BBM ang buhay at kaligtasan ng ating mga migranteng manggagawa kapalit ng bilyong bilyon halaga mula sa remitans at panghuhuthot nito sa pawis at dugo nila. Hindi pagbuhos ng ayuda ang solusyon kundi pangmatagalang nakabubuhay na trabaho sa sarili nating bansa na mayroong sapat na benepisyo at proteksyon para hindi na mapilitang sumuong sa mapanganib na mga lugar sa ibayong dagat” declared Pingkihan.
Nanawagan din ang Migrante sa mga migranteng manggagawang Pilipino sa buong mundo na magpahayag ng paninindigan laban sa mga imperyalistang digmaan ng agresyon, lalo na ang mga pinamumunuan at sinusuportahan ng Estados Unidos.
“Ang Estados Unidos ay isang war criminal at direktang sangkot sa umiigting na gera sa Gitnang Silangan. Nagbibigay ito ng intelligence support at nag deploy ng 200 military personnel sa Saudi Arabia para tulungan sila sa kanilang military campaign na pumapatay sa mga inosenteng sibilyan, bata at kababaihang Yemeni. Inaprubahan kamakailan lamang ng gobyerno ni Trump ang USD 2.27 Bilyon na military support package para sa bansang Egypt, Kuwait at UAE, habang patuloy itong nagbibigay ng bilyong bilyon na pondo at ibang porma ng suporta sa Israel na responsable sa henosidyo ng mamamayang Palestino,” paliwanag ni Pingkian.
“Hinihikayat namin ang mga migranteng manggagawa na magkaisa, palakasin ang ating mga boses at makiisa sa mamamayang api ng mundo na lumalaban para wakasan ang mga imperyalistang agresyon at gera na umaatake sa ating karapatan na mabuhay ng mapayapa” aniya.#