Hinamon ni House prosecutor Joel Chua ang defense panel na maghain ng motion to demurrer to evidence kung naniniwala silang mahina ang mga ebidensyang inilatag ng prosecution laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang demurrer to evidence ay inihahain ng kampo ng akusado sa hukuman bilang hirit na ibasura ang kaso sanhi ng paniniwala nitong mahina ang ebidensya laban sa kanilang kliyente.
Naniniwala si Chua na kaya lamang umalma ang defense sa pagbawi ng prosecution sa tatlong articles of impeachment ay dahil may itinirang pang isang artikulo.
“Hinahamon ko nga sila bago pa itong dropping na to, mag-file ng demurrer. Sinasabi ‘nung ilang magagaling diyan, wala naman daw kaming naipakitang ebidensiya sa bawat article. Eh bakit hindi kayo mag file ng demurrer to evidence?” sabi ni Chua sa programang Sa Totoo Lang sa One News.
Ayon kay Chua, nagkataon lang na may natira pang isang artikulo kaya kumontra ang defense panel.
“Kung yung apat na article drinop namin, oh di acquitted ang vice president. Sa tingin niyo kokontra sila? Nagkataon lang na may natirang isa kaya sila kumokontra,” giit ni Chua.# (RRN)