Nagimbal ang mga Pinoy sa inilahad sa Senate impeachment court ang P11.35 milyong tseke na nanggaling mismo sa bank account nina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio patungo sa kanilang family dentist na si Lourdes Lebosada.
Sa pagtatanong ni House prosecutor Rep. Chel Diokno, mabilis na napilas ang maskara ng isang simpleng medikal na transaksyon.
Tama ang banat ng beteranong forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera: ang ganyang kalaking halaga ay imposibleng bayad lamang sa bunot o pasta ng ngipin.
Ang masakit na katotohanan, ang dentistang ito ay hindi lang basta tagalinis ng ngipin, siya ay 47.5% business partner ni Carpio sa Cale88, ang misteryosong kompanya ng banana chips na umano’y dinadaluyan ng daan-daang milyong piso mula sa mga dayuhang korporasyon.
At hindi lang ito basta dayuhang pondo; nakatutok ang radar ng imbestigasyon sa mga kompanyang pagmamay-ari ng gobyerno ng China at isang entidad sa Ukraine na may nakasampang kaso ng money laundering.
May sariling ‘laundry machine’ ng pera?
Habang ang ordinaryong Pilipino ay nagtitiis sa barya-baryang kita at nagkakamot ng ulo sa taas ng bilihin, ang pamilya ng Bise Presidente ay tila may sariling “laundry machine” ng nakalululang yaman.
Paano maipaliliwanag ng Office of the Vice President ang P817,874,867 na kabuuang undeclared assets at unexplained wealth na natuklasan mula 2022 hanggang 2025?
Narito ang malupit na breakdown ng perang pilit itinago sa taumbayan, ayon sa testimonya sa korte:
Undeclared Cash: P207,696,933 na sadyang hindi idineklara sa loob ng apat na taon.
Tagong Properties: P143,497,177 halaga ng mga personal at real properties na pinalusot sa SALN.
Ikinubling Kita ng Mag-asawa: P111,852,349 na kinita ngunit hindi iniulat.
Kompanyang Sangkot (Cale88, Metro City, at GenCorp): Humigit-kumulang P354 milyon na hindi idineklara mula sa mga kaduda-dudang negosyong ito.
Sino ang maniniwala na simpleng pagkakamali ito sa pag-file ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN)?
Mas matingkad na ito’y tila isang sistematikong pattern ng pagtatago ng yaman na nagsimula mismo noong maupo si Duterte bilang Bise Presidente noong 2022.
Ang pinakamalaking bulwak ng nakatagong yaman ay sumabog noong 2024 na umabot sa P264,217,123,isang patunay na habang tumatagal sila sa kapangyarihan, lalong kumakapal ang kanilang bulsa.
Mabibisto kaya ito kung hindi na-impeach si VP Sara at nililitis ngayon sa impeachment court?
Ang P11.35 milyon para sa isang dentista ay tip of the iceberg ng korapsyon.
Panahon na para bunutin, hindi lang ang mga bulok na ngipin, kundi ang mga bulok na opisyal na sumisira sa tiwala ng sambayanang Pilipino at gumagahasa sa pera ni Juan dela Cruz.
Kaya ang mensahe ng publiko sa senator-judges, kung ang nanumpa bilang magiging pangunahing tagapagtanggol ng Konstitusyon at pangalawang pinuno ng bansa ay hindi kayang maging tapat sa kanyang sariling pitaka at ari-arian, may karapatan pa ba siyang manatili sa puwesto at asintahin ang Palasyo sa 2028?#